Tagalog news: Mga konsehal nagtanim ng mga puno
sa eco park na tirahan ng buwayang si ‘Lolong’
Ni David M. Suyao
AGUSAN DEL SUR, Set. 29 (PIA) -- Sinimulan ng Philippine
Counselors’ League (PCL)-Agusan del Sur Chapter ang Linggo ng PCL sa
pamamagitan ng pagtatanim ng mga punong kahoy sa eco park sa Bunawan.
Ito ay hudyat nang pagsasaayos ng naturang eco
park na siyang nangungunang programa ng pamahalaang bayan ng Bunawan at ng
pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur.
Sabi ng bise presidente ng PCL si Toto
Bastareche, halos 500 ng puno ng mahogany ang kanilang naitanim sa mahigit
kumulang dalawang hektaryang lupang itinalaga bilang eco park kung saan
matatagpuan din ang may hawak ng World Guinness record na pinakamalaking buaya
sa buong mundo na si Lolong.
“Humingi kami ng materyales sa Department of
Environment and Natural Resources-Community Environment and Natural Resources
Office (DENR-CENRO) na naka base sa Bunawan at naipagkaloob naman nila ito sa
amin. Tumawag kami ng mga empleyado ng pamahalaang bayan at ng mga estudyante
mula sa Agusan del Sur College of Agriculture and Technoloy (ASCAT) at di naman
sila nag-atubiling tumulong sa amin na magtanim,” sabi ni Bastareche.
Ang PCL Agusan del Sur Chapter ay nangako ring
susuportahan nila ang bayan ng Bunawan para mapanatili sa kanyang tirahan ang
higanteng buwayang si Lolong.
Maliban sa plano ng Bunawan at ng PCL na
mapaunlad ang eco park, ang pamahalaang panlalawigan ng Agusan del Sur ay
naglaan din ng pondo para matustusan ang pagpaunlad ng eco park at nangako rin
ang ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng DENR, Department of Public Works and
Highways, Department of Agrarian Refrom at ng Provincial Agriculture Office.
(PIA-Agusan del Sur)
Tagalog news: Mga ahensya ng gobyerno
ipinagdiwang ang Nat’l Filipino Family Week
Ni Danilo S. Makiling
BUTUAN CITY, Agusan del Norte, Set. 29 (PIA) --
Ipinagdiriwang ng Regional Inter-Agency Committee on Filipino Family (RIAC-FF)
na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang Filipino Family Week na
ginanap sa Balanghai Hotel ng lungsod.
Dinaluhan din ng RIAC-FF ang isang motorcade sa
lungsod ng Butuan bilang unang aktibidad na isinagawa sa pagdiriwang. Ito ay
dinaluhan din ng Philippine National Police (PNP) Band.
Sabi ni Maria Aurora Curaza-Maquiling ng
Department of Trade and Industry (DTI) Caraga sa harap ng mga partisipante
kasabay ng pagbubukas ng pagdiriwang, “Kailangan nating maglaan ng oras sa
ating mga pamilya bagaman, nagtratrabaho po tayo ng subra sa oras na kailangan
nating trabahuin, ika nga sa temang sa taon na ito na “Ensuring Work-Family
Balance.”
Binigyang linaw din ni Maquiling na ang sobrang
pagtratrabaho ay dahilan kung bakit kadalasan ay nawawalan na ng oras sa
pamilya.
“Kailangan po nating siguruhin na maglaan ng
oras sa pamilya bagaman nagtratrabaho po tayo ng maayos,” aniya.
Samantala, ang iba’t ibang pamilyang kumakatawan
sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay nakilahok sa “Search for Talentadong
Pamilyang Pinoy” kung saan ang bawat pamilya ay nagpakita ng kanilang mga
talento sa pagsayaw at pagkanta.
Ang mga mananalo ay makatatanggap ng mga premyo
tulad ng isang sakong bigas, P1,000 at iskolarship mula sa Technical Education
and Skills Development Authority (Tesda) para sa first prize; P1,000 halaga ng
grocery items at iskolarship mula sa Tesda para sa second prize; at P500 halaga
ng grocery items at iskolarship mula sa Tesda para sa third prize.
Makatatanggap naman ng consolation prizes ang mga hindi mananalo.
(RER/NCLM/DSM/PIA-Caraga)