Tagalog news: DSWD patuloy ang pamimigay ng
pagkain sa mga biktima ng bagyong Pablo hanggang Agosto
Ni David M. Suyao
AGUSAN DEL SUR, Hulyo 20 (PIA) -- Inanunsiyo ng
Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mga pamilyang naging
biktima ng bagyong Pablo ay patuloy na makakatanggap ng tulong ng pagkain
hanggang Agosto sa taong ito.
Ipinaliwanag ni DSWD Sec. Corazon
Juliano-Soliman na ang tulong na pagkain ay pinalawig pa ng dalawang buwan para
maseguro na ang mga naapektuhan na pamilya ay magkakaroon pa ng sapat na pagkain
habang nakatuon ang kanilang isipan sa paghahanap ng permanenteng mapagkunan ng
kabuhayan.
“Mahirap kapag ang kanilang panahon ay nahahati
sa paghahanap ng kanilang pang araw-araw na pangangailangan sa pagkain at
paghahanap ng trabaho o paggawa sa kanilang bagong kabuhayan,” sabi ni Sec.
Soliman.
Ayon sa DSWD Rehiyon 11, sa pagpapalawig ay
kasali ang mga bayan na hindi masyado nabigyan ng tamang serbisyo sa mga
nagdaang buwan ng Mayo at Hunyo.
Sa kasalukuyan ang DSWD ay nakapagbigay na ng
halagang P1.3 bilyon na tulong sa mga biktima ng bagyong Pablo. Kasama na rito
ang mga nakabalot na pagkain, binalot na pang noche Buena, iba pang klaseng
pagkain at mga hindi pagkain, tulong sa pagpapalibing, pagpagawa ng bunkhouses,
pera sa trabaho, pang-emerhensiyang tirahan, modified permanent shelter at
tulong pang-edukasyon.
Maliban dito, magdadagdag pa ng mga binalot na
pagkain na nagkahalaga ng P11,091,750 na ihahatid sa Caraga, Davao Oriental at
sa lima pang lugar na matinding na naapektuhan sa mga bayan ng Compostela
Valley, gaya ng Compostela, New Bataan, Montevista, Monkayo at Laak.
Maliban sa pamimigay ng pagkain, ang DSWD ay
patuloy na nagpapatupad ng pera sa trabaho para matulungan ang mga biktima na
maabot ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan habang patuloy na
naghahanap ng permanenteng kabuhayan. Ang mga benepisaryo ang tumatanggap ng
P226 bawat araw, sa loob ng 10 araw sa paggawa ng trabaho sa loob ng kanilang
komunidad. Sa kasalukuyan, ang DSWD ay nakapamigay na ng halagang P120,416,320
sa 68,860 na mga benepisaryo.
Ang DSWD at ang katulong na lokal na pamahalaan
o LGUs, NGOs at mga humanitarian agencies sa pagpapatayo ng mga tirahan para sa
mga pamilyang nawalan ng bahay sa Davao Oriental, ang LGU ay nagsimula na rin
na gumawa ng modified permanent na mga bahay sa kani-kanilang mga lugar at sa
mga resettlement areas, partikular na sa Cateel at Baganga.
Sa isang banda, ang mga benepisyaryo ng
programang "emergency shelter assistance" ay nagsimula na rin sa
pagkumpuni sa kanilang bahagyang nasirang mga kabahayan habang ang bayad sa
pera sa trabaho ay pinoproseso. Sa lalawigan ng Compostela Valley, ang
programang ESA ay patuloy pa rin at may pondong P50,560,020 sa Davao del Norte
Sa parehong kalagayan, ang LGU ay patuloy na
pinapatupad ang programang ESA sa Davao del Norte at may pondong P10,000 para
sa bawat benepisaryo. Itinakda na ng LGU ang iskedyul ng pagbabayad sa bawat
benipisyaryo sa bawat bayan at naatasan din sila na bantayan ang pagpapatupad
ng ESA. (DMS/PIA-Agusan del Sur)