Tagalog News: Isa sa tatlong kabataang babae ay
bansot – FNRI
Ni Ma. Anna Rita M. Ramirez
MANILA, Mar. 16 (PIA) - Isa sa tatlong batang
babae na labing-tatlo hanggang labing-siyam na anyos ay bansot o maliit para sa
kanilang edad. At anim hanggang walong porsiyento naman sa kanila ay payat para
sa kanilang edad.
Ito ay ayon sa resulta ng 2011 surbey ng Food
and Nutrition Research Institute (FNRI), ng Department of Science and
Technology (DOST).
Bansot ang isang tao kung ang kanyang taas ay
mababa para sa kanyang edad. Isang
mahalagang sanhi nito ay ang matagalang kundisyon ng malnutrisyon, bunsod ng
kakulangan sa pagkain na kadalasan ay dulot ng kahirapan, ayon sa mga eksperto
sa nutrisyon.
Ang kakulangang ito sa pagkain ay natukoy sa
surbey ng FNRI noong 2008. Dito naiulat
na walo sa sampung mga batang babae ay naitalang kulang ang pagkain sa
enerhiya. Lima sa bawa’t sampu sa kanila
ay kulang naman ang kinakain sa protina.
Sa naturang surbey, nakita rin na ang pagkain
nila ay kulang na kulang sa micronutrients.
Anim hanggang siyam sa sampung kabataang babae
ang may kakulangan sa thiamine o bitamina B1 (64.9 porsiyento), ascorbic acid o
bitamina C (80.7 porsiyento), vitamin A (81.1 porsiyento), riboflavin o
bitamina B2 (82.1 porsiyento), calcium (97.9 porsiyento) at iron (98.1
porsiyento).
Maraming dapat isaalang-alang sa kalagayang ito
ng mga kabataang babae. Una, ang
kanilang reproductive role o paghahanda sa pagbubuntis. Pangalawa, ang kanilang kalagayang
pang-nutrisyon. Ang dalawang ito ay may
malaking kaugnayan sa isa’t-isa.
Ayon sa mga eksperto, ang pagiging bansot ng mga
kababaihan ay may dagdag na peligro o tyansa ng komplikasyon sa pagbubuntis at
pagsisilang.
Ang datos na ito ay higit na dapat pagtuunan ng
pansin lalo na sa higit animnapung porsiyentong pagtaas sa insidente ng
pagsilang sa mga Pilipinang kabataang kababaihan mula taong 2000 hanggang 2010,
ayon naman sa National Statistics Office o NSO.
Ang kalagayang pang-nutrisyon at pangkalusugan
ng mga kabataang babae ay hindi pwedeng isang-tabi. Dapat makita ang mas malawak na implikasyon
nito sa kanilang kinabukasan bilang ina, bukod pa sa kinabukasan ng sanggol na
kanilang isisilang.
Ang FNRI-DOST ay may mandatong magsagawa ng
National Nutrition Surveys para tutukan ang pangkalahatang kalagayang
pang-nutrisyon ng mga Pilipino tuwing ika-limang taon at ika-dalawang taon
naman ang pagtutok sa nutrisyon ng mga bata sa mga rehiyon.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa
pagkain at nutrisyon, maaaring magsadya, tumawag o lumiham kay Dr. Mario V.
Capanzana, Director, Food and Nutrition Research Institute – Department of
Science and Technology (FNRI-DOST), Tel./Fax: 837-29-34/837-31-64; e-mail:
mar_v_c@yahoo.com; mvc@fnri.dost.gov.ph; FNRI-DOST website:
http//www.fnri@dost.gov.ph (FNRI S & T Media Service/PIA-Caraga)