Tagalog News: Programang pangnutrisyon inilunsad
ng FNRI sa Bulacan
Ni Alexis M. Ortiz
MANILA, Mar. 15 (PIA) - “Ang kabataan ang
pag-asa ng bayan” ay isang kasabihang nagbibigay halaga sa papel nilang
ginagampanan sa ating bansa.
Subalit sa panahong ito, napakaraming problema
ang pinagdaraanan ng mga kabataan na nagiging sagabal upang magampanan nila ang
kanilang mahalagang papel. Isa na rito ang kakulangan sa nutrisyon.
Bilang tugon sa problemang ito, naglunsad ang
Kagawaran ng Agham at Teknolohiya o Department of Science and Technology
(DOST), sa pangunguna ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI), ng isang
programa na naglalayong mabawasan ang problemang dulot ng malnutrisyon. Tinawag
itong Malnutrition Reduction Program (MRP).
Layunin ng MRP na mabawasan ang paglaganap ng
malnutrisyon sa mga sanggol na may anim na buwang gulang hanggang bago tatlong
taong gulang pa lamang. Itinuturing ang yugtong ito sa buhay ng mga bata na
pinaka-kritikal dahil kung anumang pinsala ang natamo nila sa panahong ito ay
hindi na maaaring malunasan pa at panghabambuhay na ang masamang epekto.
Isa sa dalawang bahagi ng MRP ay ang DOST Pinoy
o Package for the Improvement of Nutrition of Young Children. Dito ay
nakapaloob ang pagsasagawa ng feeding program gamit ang mga complementary foods
na ginawa ng FNRI tulad ng rice-mongo blend at curls sa loob ng 120 araw para
sa mga batang anim na buwan hanggang bago tatlong taong gulang.
Kaakibat ng feeding program ay ang edukasyong
pangnutrisyon para sa mga nanay at mga tagapag-alaga na may anim na modyul
kasama ang basic nutrition, breastfeeding, complementary feeding, meal
planning, safe food handling and preparation at backyard vegetable gardening.
Ilang mga bayan at lalawigan na sa buong bansa
ang naki-bahagi at nakinabang sa programa. Ang pinakahuli ay ang mga bayan ng
Plaridel at Pulilan sa Bulacan.
Inilunsad ang DOST Pinoy sa mga nabanggit na
bayan noong nakaraang taon na pinangunahan nina Kalihim Mario G. Montejo at Dr.
Mario V. Capanzana, Direktor ng FNRI. Ang programa ay malugod na tinangggap ng
mga pinuno ng dalawang bayan at sinaksihan ng mga Lingkod Lingap sa Nayon, ang
katumbas ng Barangay Nutrition Scholars sa ibang lugar.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa
pagkain at nutrisyon, maaaring magsadya, tumawag o lumiham kay Dr. Mario V.
Capanzana, Director, Food and Nutrition Research Institute – Department of
Science and Technology (FNRI-DOST), Tel./Fax: 837-29-34/837-31-64; e-mail:
mar_v_c@yahoo.com; mvc@fnri.dost.gov.ph; FNRI-DOST website:
http//www.fnri@dost.gov.ph (FNRI-DOST S&T Media Service/PIA-Caraga)