PCOO Chief nanawagan para sa ‘clean and honest election’
NANAWAGAN si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa mga miyembro ng Alpha Kappa Rho International Fraternity and Sorority (AKRHO) na ipagpatuloy ang kanilang adbokasiya na “clean and honest election”. Ginawa niya ang panawagan sa kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal at miyembro ng AKRHO Caraga Region Supreme Council nitong Pebrero 24, 2019 sa Surigao City.
Ang AKRHO ay isang fraternity group na itinatag sa Pilipinas noong 1973 at binubuo ng mga kalalakihan at kababaihan mula sa iba’t ibang unibersidad. Layunin nito na isulong sa bawat kasapi ang kahalagahan ng katapatan, pagkakaisa at dangal.
Sa ngayon ay nakatala ito bilang isang International Humanitarian Service Fraternity na humihikayat sa mga kasapi nito na makilahok sa mga makataong proyekto at serbisyo para sa lahat ng mamamayan. Miyembro ng nasabing fraternity ang kalihim ng PCOO.
“So, iyan, puwede nating ituloy ang ating adbokasiya noong 2016 for clean and honest election... walang dayaan. Malapit na ang election, local and senatorial, sa May 13, at mas lalo nating mapapalakas ‘yung ating organisasyon kung meron tayong mga ganitong klaseng advocacy. Tinutulungan natin ang ating inang bayan,” pahayag ni Andanar.
Ang mga miyembro ng AKRHO ay nagbantay sa mga presinto noong 2016 elections.
Nasa Surigao City si Andanar bilang panauhing pandangal sa pagbubukas ng 22nd Caraga Athletic Association - Regional Sports Competition (CAA-RSC). Nag-courtesy call din siya kay Surigao del Norte Gov. Sol Matugas. ### PCOO