Caraga transport operators, drivers nagbigay suporta sa modernization
program ng gobyerno
By Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN, Marso 20 (PIA) - Maagang
nagsidatingan ang mga transport operators at drivers ng pampublikong sasakyan
mula sa ibat-ibang probinsya ng Caraga region bilang suporta sa isinagawang
Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) Roadshow sa pangunguna ng
Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng
Department of Transportation (DoTr) Caraga dito sa lungsod ng Butuan.
Isa si Jose Evagelous Lawenko, chairman ng Diamond
Transport Service Cooperative (DATSCO), sa mga nagbahagi ng kanilang positibong
reaksyon at suporta sa inisyatibong ito ng pamahalaan ayon na rin sa mandato ni
President Rodrigo Duterte.
“Noon ayaw namin pero ngayon na-realize ko may 105 na
ako na unit na coming at saka nakita ko na thousands yung maibigay namin na
trabaho kaya ito pala yung plano ng government talagang the best para sa akin.
Ngayon may 45 units na kami sa Siargao, dito naman 60 units tapos marami na
kaming aplikante, maraming matutulungan. At saka wala namang kahit pisong
involved yung sa modernization kasi yung bank naman ang gagasto – yung
LandBank, DBP kaya walang involved na pera. Kaya bakit aayaw tayo sa modernization?
Bibigyan ang isang cooperative ng business na multi-million na capital, kaya
sobra talaga, masaya kami sa modernization,” sabi ni Lawenko.
Binigyang-diin naman ni Kristina Cassion, regional
spokesperson ng DoTr Caraga, na mahalagang mas maintindihang mabuti ng mga
transport operators at cooperatives ang magandang benepisyong maibibigay ng
modernization program ng pamahalaan sa kanilang sektor.
“Gusto kasi natin na sabay-sabay tayo towards to
modernization. Hindi yung may mapag-iwanan na individual operators, hindi sila
nakasali sa mga cooperatives, hindi nila alam kung paano mag-modernize kaya
naisipan natin na maglunsad ng ganitong aktibidad para magkaroon sila ng
malalim na kaalaman kung ano ba itong modernization program ng national
government,” paliwanag ni Cassion.
Nilinaw din ni Cassion, na walang bayad ang pagkuha ng
prangkisa. may administrative fees lang aniya ang sinisingil ng kanilang
ahensiya na hindi aabot sa isang libo. Hinimok din niyang umiwas sa fixers at
deretsong magproseso nito sa kanilang opisina. (JPG/PIA-Caraga)
RGADC Caraga kinilala ang mga nangungunang
kababaihan sa ibat-ibang larangan
By Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN, Marso 20 (PIA) - Bilang pagkilala sa
galing ng mga kababaihan sa ibat-ibang larangan, kinilala ng Regional Gender
and Development Committee (RGADC) Caraga ang mga kababaihang nangunguna sa
kanilang paganap sa ibat-ibang tungkulin.
Kasabay ito ng selebrasyon ng International Women’s
Day, kung saan nagtipon-tipon ang mga empleyado ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan,
representante mula sa civil society organizations, non-government organizations
at media sa lungsod ng Butuan.
Kinilala at binigyan ng plake ng Department of Trade
and Industry (DTI) Caraga ang limang successful women entrepreneurs ng rehiyon,
ganun din ang Department of Agriculture (DA) sa natatanging outstanding rural
woman, maging sa mga tinaguriang outstanding GAD focal persons.
Pinarangalan din ng RGADC Caraga ang ilang women
retirees na aktibong GAD advocates. Kabilang dito si Sally Joy Bungabong na
mag-15 taon na sa government service at kasalukuyang empleyado ng Cooperative
Development Authority (CDA) Caraga, at mula pa noon ay aktibo nang nakikilahok
sa mga aktibidad ng RGADC sa kampanya at mga adbokasiya ng kababaihan.
Binigyang diin naman ni RGADC chair at Commission on
Human Rights (CHR) Caraga regional director Atty. Jerefe Tubigon-Bacang na
mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng mga kababaihan sa lipunan at nararapat
lang din na kilalanin ang kanilang mga nagawa at naabot nito sa ibat-ibang
larangan. Patuloy silang maging inspirasyon sa ibang mga babae na magpursige at
umunlad.
Pinasalamatan din ni Bacang ang mga kalalakihan na
sumusuporta sa ibat-ibang aktibidad at adbokasiya ng mga kababaihan na
makauunlad sa sektor.
Samantala, ibinahagi naman ni Concepcion Asis, vice
chair ng RGADC Caraga, na ginugunita taon-taon ang buwan ng mga kababaihan
dahil sa naniniwala ang mga Pilipino sa kakayahan ng mga babae at sa nagagawang
kontribusyon nito sa pag-unlad ng bansa. (JPG/PIA-Caraga)