Mga sumukong miyembro ng NPA sa Surigao Norte tumanggap ng ayuda
By Venus L. Garcia
LUNGSOD NG SURIGAO, Surigao del
Norte, Setyembre 24 (PIA) -- Nasa 30 dating miyembro ng rebeldeng grupo na New
People's Army o NPA sa Surigao del Norte ang nakatanggap ng ayuda mula sa
pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o
E-CLIP.
Ang mga sumuko ay may P15,000
immediate cash assistance at P10,000 mula sa Department of Social Welfare and
Development o DSWD. Binayaran din ng pamahalaan ang mga armas na kanilang
isinuko depende sa uri at kalidad nito.
Ang pagkaloob ng tulong-pinansyal
ay pinangunahan mismo ni National Security Adviser Secretary Hermogenes
Esperon, Jr., cabinet officer for the regional development and security
(CORDS) - Caraga region Cabinet Secretary Carlo Nograles, at iba pang opisyal
kasabay sa isinagawang Barangay Summit sa lungsod ng Butuan.
“Ang ating gagawin, lahat ng
departamento ay magbibigay ng kontribusyon. Sama-sama ang ating pagpaplano kasi
ang target natin ngayon o ang ating tutulungan ay ang barangay. Diyan natin
gagamitin at ipalaganap ang community support program o CSP,” sabi ni Esperon.
Inaasahan ring maibibigay sa
kanila sa lalong madaling panahon ang P50,000 na livelihood assistance at
P20,000 na reintegration assistance na kasalukuyang pinuproseso na.
Isa sa mga nabigyan ng tulong ay
naging sundalo na ngayon.
“Malaki ang pasasalamat ko po sa
ating mahal na pangulong Rodrigo Duterte at sa Philippine Army dahil binigyan
kami ng oportunidad bilang isang former rebel na magiging isang sundalo. Hindi
ako tinalikuran ng ating gobyerno at ako’y natulungan. Kung kayo man ay tutulad
sa akin na nagbalik-loob, ganun din ang magyayari sa inyo. Ang nakamit ko
ngayon bilang isand sundalo ay gayun din ang mararating ninyo,” sabi ni alyas
Abdul.
Ipinaabot rin ni alyas Raymund ang
kanyang pasasalamat sa ayudang natanggap.
“Maraming salamat sa 30th Infantry
Battalion dahil sa tulong ng mga sundalo. Binigyan nila ako ng pag-asang maayos
ang aking masalimuot na buhay. Tinulungan nila akong makapagtapos sa ninanais
kong kurso,” sabi ni alyas Raymund, 21 taong gulang.
Ayon kay Cabinet Secretary
Nograles ay may 800 miyembro ng NPA sa Surigao del Norte ang inaasahang susuko.
“May mga inaasahan pa tayong mga
miyembro ng rebeldeng grupo ang tuluyan ng susuko at hangad na magbagong buhay.
Ito ay malinaw na indikasyon na positibo ang ating mga ginagawang hakbang at
kampanya laban insurhensiya,” sabi ni Sec. Nograles.
Patuloy ang kampanya ng gobyerno
laban sa mga rebeldeng grupo at hinihimok ang mga ito na magbalik-loob na
at mamuhay ng payapa. (VLG/PIA-Surigao del Norte)