Pagbabakuna kontra COVID-19 umaarangkada na sa Caraga region
By
Venus L. Garcia
LUNGSOD
NG SURIGAO, Surigao del Norte, Marso 7 (PIA) -- Walang pag-atubiling sinimulan
ang opisyal na pag-arangkada ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination
rollout ngayong araw sa Caraga region.
Mahigit
900 mga frontline healthcare worker ng Caraga Regional Hospital (CRH) sa
Surigao City ang napabilang sa nagsignify para sa unang batch ng COVID-19
vaccination sa rehiyon.
Unang
naturukan ng awtorisadong bakuna na CoronoVac mula sa Chinese company na
Sinovac si Dr. Angel Eugenio Batac, hepe ng Department of Medicine at COVID-19
vaccination team leader ng CRH kung saan idinaos ang seremonyal na pag-umpisa
ng vaccination program dito sa Caraga region.
May
kabuoang 650 vials ng COVID-19 vaccines ang inisyal na naideliver sa CRH.
Positibo
naman ang pagtanggap ni Grace Platil, chief nurse ng naturang ospital, sa
itinurok sa kanya na bakuna. Ayon pa sa kanya, hindi siya nasaktan sa pagturok
ng bakuna.
“Eto,
katatapos ko lang natanggap ang aking first dose of COVID-19 vaccine. Wala
naman akong naramdamang hapdi o kakaiba. Talagang kailangan natin ito upang
maprotektahan ang ating mga sarili sa pagkahawa sa nakakamatay na COVID-19,”
sabi ni Platil.
Paalala
naman ni Department of Health - Center for Health Development (DOH-CHD) Caraga
regional director Dr. Jose Llacuna, Jr. kahit may available nang bakuna ay
patuloy pa ring sundin ang safety at health protocols hanggang tuluyan ng
matapos ang pandemya.
“COVID-19 vaccines help our bodies
develop immunity to the virus that causes COVID-19. It’s our defense
aside from the regular wearing face mask and face shield, washing of hands, and
social distancing,” sabi ni Llacuna.
Bagama’t
hindi sapilitan ang pagbabakuna, tumaas naman ang kumpyansa ng mga Caraganon sa
pagsisimula at patuloy na pagratsada ng pagbabakuna.
“Payag
po ako na maturukan ng bakuna laban COVID-19 dahil hindi lamang ang aking
sarili ang mapoprotektahan nito kundi pati na rin ang aking pamilya,” pahayag
ni Arnel Arceso, residente ng Surigao City na may anak at nagtatrabaho rin sa
isang pribadong ospital.
Bukas
ay nakatakda naman ang pagbabakuna ng mga recipients sa Adela Serra Ty Memorial
Medical Center sa Surigao del Sur kung saan may nakalaan at naideliver nang 500
vials ng COVID-19 vaccines.
Labing-isang referral hospitals ang inaasahang mabibigyan sa 9,000 vials ng vaccines na dumating sa Caraga region nito lamang Biyernes, Marso 5. (VLG/PIA-Surigao del Norte)