Kampanya laban malnutrisyon at insurhensiya sa Caraga, tinalakay sa Butuan City
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa kabila ng hamon na dala ng COVID-19 pandemic, tuloy-tuloy pa rin ang pagtutok sa usapin ng malnutrisyon at insurhensiya sa Caraga region.
Sa isinagawang ‘Kapihan’ ng Philippine Information Agency (PIA) kasama
ang National Nutrition Council (NNC) at Department of the Interior and Local
Government (DILG) sa Butuan City, tinalakay ang ilang paraan para makatulong
ang mga Caraganon sa nasabing isyu.
Ayon kay Retsebeth Laquihon, OIC-regional nutrition program coordinator
ng NNC-Caraga, mas madaling masolusyonan ang ano mang problema ng rehiyon kung
aktibo ang partisipasyon ng bawat sektor at pamilya sa mga hakbang at
inisyatibo ng pamahalaan.
Kung mayroon ding sapat na kaalaman ang isang tao ay malaki ang
maitutulong nito sa pagtugon sa isyu.
Sa kaso ng malnutrisyon, kailangang matutukan ang unang 1,000 araw ni
baby mula sa pagbubuntis ng ina hanggang sa ikalawang taong gulang nito dahil
ito ay itinuturing na “golden window of opportunity.”
“Kailangan din nating isulong ang programa sa Philippine Plan of Action
for Nutrition dahil dito nakasaad ang mga hakbang tungo sa pagkamit ng mga
natatanging aksyon para masolusyunan ang problema sa malnutrisyon,” ani ni
Laquihon.
Ibinahagi rin ni DILG assistant regional director Donald Seronay na mas pinaigting rin ng Regional Task Force to End Local Communists Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa Caraga ang kanilang panawagan sa mga miyembro ng npa na sumuko at makinabang sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). (JPG/PIA-Caraga)