PMO-Surigao nabigyan ng bagong rescue equipment ng DOTr
LUNGSOD NG SURIGAO (PIA) -- Isang brand new motor vehicle na pinasadyang gawing firefighting equipment at isang rescue boat naman ang natanggap ng Philippine Ports Authority - Port Management Office (PPA-PMO) Surigao mula sa Department of Transportation o DOTr.
Layon nitong palakasakin pa lalo ang search, rescue, firefighting at marine patrol na kakayahan ng PMO Surigao.
Ang nasabing firefighting vehicle ay may
transport trailer para sa rescue boat na may 50 horsepower outboard engine at
remote steering na kayang lusubin ang malalakas na agos ng tubig-baha at
malalaking alon sa karagatan.
Maliban sa water tanks ay kumpleto rin ito sa
iba pang kagamitan gaya ng bolt cutter, crowbar at sledgehammer na magagamit sa
mga emergency at rescue operation.
“Malaking tulong itong firefighting vehicle
at search and rescue boat hindi lang sa PPA kundi pati na rin sa ating
community. Kaakibat ng BFP at Phil. Coast Guard, available ang kagamitang ito
sa panahon ng sakuna kagaya ng sunog at pagbaha. kaya naman nagpapasalamat tayo
kay Pangulong Rodrigo Duterte, kay Sec. Tugade ng DOTr, at kay general manager
Jay Daniel Santiago ng PPA,” sabi ni Froilan Caturla, acting port manager ng
PPA PMO Surigao.
Ayon kay Caturla, mahalaga aniya na laging maging handa upang makaiwas at maligtas sa peligro. (VLG/PIA-Surigao del Norte)