Backlog ng mga plate numbers na nai-rehistro noong 2018, sinimulan nang i-release ng LTO-Tandag
Ni: Raymond Aplaya
SYUDAD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Inanunsyo kamakailan ng Land Transportation Office (LTO) – Tandag City District Office na nagsimula na sila sa pagrelease sa mga plate numbers ng mga motorsiklo na nai-rehistro noong taong 2018.
Contributed photo |
Sa isang panayam, inihayag ni Jimmy Daray, hepe sa nasabing tanggapan, na bahagyang naantala ang pamamahagi sa mga backlog na plate numbers dahil na rin sa dami nito. Aniya, direkta nilang ibinigay ang mga ito sa mga motorcycle dealer kungsaan kinuha ang isang motorsiklo.
Dahil dito, inabisuhan na lang ni Daray ang mga nagmamay-ari ng mga motorsiklo na ini-rehistro sa nasabing taon na kunin ang kanilang mga plaka mula sa mga dealer kungsaan nila kinuha ang kanilang yunit.
Samantala, idinagdag naman nito na ang mga narehistro sa mga taong 2017, 2019, at 2020 ay nagpapatuloy pa ang pagproseso upang ma-release na rin ang kanilang mga plaka.
Nilinaw naman ni Daray na wala na silang backlog para sa kasalukuyang taon dahil kaagad na umanong ibinibigay ang mga plate numbers kasabay ng pagre-release sa rehistro ng sasakyan. (Raymond Aplaya, DXS RP-Tandag/PIA-Surigao del Sur)