Kooperatiba ng magsasaka sa AgNor nakatanggap ng farm tractor at iba pang kagamitan sa pagsasaka mula sa DAR
LUNGSOD NG BUTUAN – Tinulungan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka para mapaunlad ang estado ng kanilang kabuhayan.
Pinagaan at binago ng isang four-wheel drive 35 horse power farm tractor na nagkakahalaga ng one-point eight million pesos ang paraan sa pagtatanim ng mga magsasaka sa probinsya ng Agusan del Norte.
Isa sa nakinabang ang Guinabsan Farmers Multi-purpose Cooperative sa Agusan del Norte sa ilalim ng programang Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) ng DAR.
Pinatunayan ni Elsa Bucad, ang chairperson ng kooperatiba na malaking tulong ang natanggap nilang traktura dahil pinagaan nito ang kanilang mga gawain at pinasalamatan din nito ang DAR.
Ayon kay CARPO Ellen Torralba ng DAR Agusan del Norte, inaalam pa rin nila kung anu-ano pa ang kailangan ng mga magsasaka sa rehiyon para tuloy-tuloy silang matulungan ng DAR.
“Sa pamamagitan nito mas mapapadali ang kanilang pag-aani at mas mapapalaki ang kanilang kita. Malaking tulong ito para sa kanilang pang-araw-araw na gastos at pangkabuhayan, tinitingnan din kung anu-ano pa ang kailangan upang mas mapadali ang kanilang mga gawain at tuloy-tuloy ang pag-angat nila sa buhay,” tugon ni Torralba.
Maliban sa traktora, nakatanggap na rin ng iba pang tulong sa pagsasaka ang mga kooperatiba sa probinsya. (NCLM, PIA Agusan del Norte)