Mga residente nakinabang sa Duterte Legacy Campaign – Barangayanihan Caravan sa lungsod ng Cabadbaran sa Caraga region
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Naging maayos at payapa ang isinagawang paglulunsad ng Duterte Legacy Campaign – Barangayanihan Caravan sa lungsod ng Cabadbaran kung saan nakinabang ang mga Agusanons mula sa mga barangay at kalapit na lugar.
Layon ng Duterte Legacy Campaign na maibahagi ang mga programa at serbisyo sa mga mamamayan lalo na sa mga malalayong barangay. Magpapatuloy ito hanggang matapos ang termino ni Presidente Rodrigo Roa Duterte at kanyang administrasyon.
Kabilang sa alok nitong tulong ay ang scholarship program, skills at livelihood trainings ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), legal services ng Department of Labor and Employment (DOLE), technical consultations at mga binhi mula sa Department of Agriculture (DA) at Department of Environment and Natural Resources (DENR); face masks at information, education and communication (IEC) materials mula Department of Health (DOH); at referrals para sa benepisyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Si Mark Lapinosa, 33 taong gulang na may karanasan sa masonry at mula pa sa kalapit bayan ay maagang pumila para sa serbisyong hatid ng TESDA.
“Malaking tulong ito sa amin lalo na sa mga katulad kong nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Nais ko sanang mas mahasa pa ang aking kaalaman at karanasan sa masonry sa tulong ng TESDA para makapag-abroad at doon magtrabaho,” ani ni Lapinosa.
Ayon kay Agusan del Norte Gobernador Dale Corvera, labis ang malasakit ng administrasyong Duterte sa mga Pilipino. Dagdag niya, ang administrasyon mgayon ay tunay na matatag at may paninindigan.
“Sa ilang taon ng ating paninilbihan, ngayon lang tayo nagkaroon ng presidenteng may tunay na malasakit at paninindigan. Tuloy-tuloy ang ating mga programa at serbisyo para sa mga Agusanons. Tulungan natin ang ating administrasyon na masolusyonan ang mga hamon na kinakaharap ng ating bansa,” banggit ni Corvera.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin din ni Secretary Martin Andanar ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na ang mga legasiyang ito ng administrasyong Duterte ay dapat na mapakinabangan ng sambayanang Pilipino.
Samantala, sinabi naman ni Cabinet Secretary at Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) Caraga Karlo Nograles, na sa kabila ng pandemya, dama pa rin ng mga Pilipino ang malasakit at pagsisikap ng gobyerno na maibigay sa kanila ang mga kinakailangang serbisyo. (JPG/PIA-Caraga)