Opisyal ng DepEd Bislig City Division, inihayag na walang paaralan sa SurSur na kasali sa ipapatupad na pilot testing ng limited face-to-face classes sa bansa
Ni: John Cuadrasal
LUNGSOD NG BISLIG, Surigao del Sur -- Inihayag ni Dr. Gregoria Su, Schools Division Superintendent ng Department of Education (DepEd) Bislig City Division, na walang paaralan sa Surigao del Sur na kasali sa ipapatupad na pilot testing ng limited face-to-face classes sa bansa.
Ayon kay Dr. Su, sa 120 paaralan sa bansa na kasali sa nasabing pilot testing, tatlo lamang nito ang mula sa Caraga region, at ang mga ito ay nasa Province of Dinagat Islands.Aniya, ang naturang tatlong paaralan ay nasa lugar na minimal risk at nagqualify sa readiness assessment ng DepEd Central Office at Department of Health.
Sinabi naman ni Dr. Su na nagrekomenda siya ng apat na paaralan sa kanilang division para sa nasabing pilot testing ngunit hindi ito nasali. (DXJS RP-Tandag/PIA-Surigao del Sur)