'Recovery activity' kontra ASF, nakatakda ng simulan sa SurSur
Ni: Greg Tataro, Jr.
LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Sa gitna ng patuloy na laban kontra African Swine Fever (ASF) sa Surigao del Sur, malugod na iniulat ni Provincial Veterinary Officer Dr. Margarito Latore, Jr. na dalawang local government unit (LGU) na ang nakasalang sa “recovery activity.”
Aniya, ito ay sa pamamagitan ng ikinasang “environmental swabbing” kung saan ang mga tauhan ng Regional Diagnostic Laboratory sa Caraga ay kukuha ng samples mula sa mga pig pens at tubig sa kapaligiran ng unang mga naapektuhang lugar.
Ani Dr. Latore, naka-schedule ito ngayong araw sa Brgy. Matho, sa bayan ng Cortes habang bukas naman sa mga barangay ng Magroyong at Patong sa San Miguel.
Dalawang linggo ang magiging pagitan nang isasagawang environmental swabbing.
Sakaling pumasa ay susunod na aniya ang pagkakaloob ng sentinel pigs.
Sa Surigao del Sur na may sakop na 17 munisipyo at dalawang lungsod ay tanging apat (4) na lugar na lamang ang deklaradong ligtas sa ASF. Ang mga ito ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng probinsiya. (DXJS RP-Tandag/PIA Surigao del Sur)