Liblib na barangay sa Agusan del Sur, nagkaroon na ng maayos na kalsada
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Nasa liblib na lugar man ang Sitio Baticocoy ng Barangay Sawagan sa bayan ng Veruela, Agusan del Sur, hindi ito naging hadlang para sa lokal na pamahalaan para tapusin ang konstruksyon ng farm-to-market road.
Napapakinabangan na ito at maayos nang nadadala sa bayan ang produkto ng mga residente sa lugar.
Ayon kay Punong Barangay Mario Tumale, Sr., kailan man hindi sila nawalan ng pag-asa na matutugunan ng pamahalaan ang pagbigay sa kanila nang maayos na kalsada upang hindi na pahirapan sa mga residente ang pagbiyahe papuntang bayan.
“Lubos ang aking kasiyahan dahil nakita namin ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan at binigyan nila ito ng pansin,” ani ni Tumale.
Emosyonal ding nagpasalamat ang sitio at purok leader na si Julieto Eslet sa lokal na pamahalaan dahil nadama nila ang malasakit ng gobyerno.
“Malaki ang aking pasalamat dahil nakarating ang proyektong ito dito sa lugar namin. Itong kalsada ang sagot para magkaroon tayo ng maayos na kabuhayan. At para sa mga anak natin na hindi na sila mahirapan tulad nang ating naranasan noon,” pahayag ni Eslet.
Ayon kay Veruela Mayor Myrna Mondejar, parte ito sa marami pang proyektong ipatutupad para sa mga residente na nasa malalayong barangay.
“Ginagawa ng mga opisyal ang makabubuti sa lahat dahil tungkulin naming masiguro ang kapakanan ng mga residente sa veruela,” banggit ni Mondejar.
Pinag-laanan ng P6 million ang 5-kilometer farm-to-market mula sa 20% ng Municipal Development Fund ng nasabing bayan. (JPG, PIA-Agusan del Sur/ PPIO-Agusan del Sur)