MSME sa Surigao Norte nakinabang sa Livelihood Seeding Program ng DTI
SURIGAO CITY, Surigao del Norte -- Sa gitna ng nararanasang krisis ng ekonomiya dulot ng pandemya, ilang micro, small at medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan ng Surigao del Norte ang natulungan ng dti sa ilalim ng programang Livelihood Seeding Program - Negosyo Serbisyo sa Barangay.
Sa kasalukuyan ay mahigit 20 barangay na ang napuntahan ng Department of Trade and Industry (DTI) - Surigao del Norte kung saan mahigit 150 negosyante na ang nabiyayaan ng livelihood kits na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000.
May mahigit kumulang isang libong residente naman ang nabigyan na ng training at business information seminar
“Layunin ng nasabing programa na matulungan ang ating pamahalaan ang mga maliliit na negosyante na maipagpatuloy ang kanilang munting negosyo na siyang ikinabubuhay ng kani-kanilang pamilya,” sabi ni Arnold Faelnar, DTI-Surigao del Norte provincial director.
At dahil nga nais ng pamahalaan na dalhin at mailapit ang mga serbisyo sa komunidad, inilunsad din nitong martes ng dti-surigao del norte sa pamamagitan ng Negosyo Center – Surigao City at sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ang Livelihood Seeding Program sa barangay Poctoy, Surigao City.
Nagkaroon ng pagtalakay ng financial literacy at entrepreneurial mindsetting sa ilang partisipante.
Ayon kay provincial director Faelnar, patuloy din anya ang dti sa pagpapatupad ng iba pa nitong programa at hinihikayat ang may gustong mag-negosyo na pumunta lamang sa pinakamalapit na negosyo center sa kanilang lugar.
“Pwede kayong lumapit sa Negosyo Center upang kayo’y matulungan sa pagmamarket ng inyong produkto sa pamamagitan ng trade fair at One Town, One Product (OTOP) centers. Mayroon ding management, pricing and costing, at entrepreneurship trainings,” ani Faelnar. (VLG/PIA-Surigao del Norte)