Mga Caraganon nakiisa sa 75th commemoration ng Historic Battle of Surigao Strait
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Nakilahok at nakiisa sa 75th commemoration ng historic battle of Surigao Strait sa Barangay Punta Bilar sa lungsod ng Surigao ang mga Caraganons.
Sa nasabing pagdiriwang ay binigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay halaga at pangangalaga sa mayamang kalikasan ng rehiyon.
Ayon sa Surigao City Tourism Office, nagkakaisa pa rin ang mga Caraganon sa pagtugon sa pangangalaga ng kalikasan na kanilang pinagkukunang-yaman lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Kasabay nito, nagsagawa ng Ceremonial Friendship Tree Planting activity ang lokal na pamahalaan kasama ang Bisaya Gyud Partylist at iba pang sektor sa development site ng barangay.
Sumisimbolo ito sa matatag na relasyon ng bansang Pilipinas at Australia sa loob ng 75 taon.
“May 75 narra trees tayong naitanim sa development site na katabi lang ng isinasagawang hatchery project ng lokal na pamahalaan ng Surigao,” ani ni Roselyn Armida Merlin, City Tourism Department Head sa Surigao City.
Suportado naman ito ng mga kinatawan mula sa iba't-ibang bansa tulad ng Japan, Australia at United States of America na nakasaksi mismo sa taunang selebrasyon sa lungsod.
Sa naturang site makikita rin ang multi-species marine hatchery at tree park na tiyak mapapakinabangan ng mga surigaonon at turista.
“Masaya kami kasi nakikita namin na patuloy pa ring umuunlad ang aming lungsod at patuloy din ang pagdayo rito ng mga turista," pahayag ni Sheryll Ensinada, residente sa ng nasabing lungsod.
Samantala, nanawagan ang lokal na pamahalaan at Bisaya Gyud sa mga Caraganon na patuloy na makiisa sa mga programa ng gobyerno at sama-samang malampasan ang hamong dala ng COVID-19 pandemic. (JPG/PIA-Caraga)