Obra-maestra ng isang pintor, naging inspirasyon sa kabila ng COVID-19 pandemic sa isang exhibit sa Butuan City
LUNGSOD NG BUTUAN -- Temang “Pagkakaisa ng bawat pamilyang pilipino sa kabila ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) pandemic” ang naging inspirasyon ng isang pintor sa Butuan City.
Sa kanyang Solo Art Exhibit, pinamagatan ni Ronnie Rudinas ang kanyang mga obra ng ‘Konektado’.
Ipinahayag ni Rudinas, isa sa mga tanyag at kilalang pintor ng lungsod, sa kanyang mga makukulay na kwadro ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagkakaisa para malampasan ang ano mang hamon, lalo na ngayong may pandemya.
“Konektado tayong lahat sa mata ng Diyos, maging sa sa ating mga pinagkukunang-yaman. Itong exhibit na ito ay para sa lahat na mga art lovers. At para naman sa mga gustong bumili ng aking mga naipinta, hanggang sa Desyembre 11 tayo dito sa Buongusto Restaurant sa Butuan City,” ani ni Rudinas.
Naging tanyag na rin si Rudinas sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa dahil na rin sa makabagbag-damdaming mensahe ng kanyang mga obra.
Maliban sa pagiging pintor, isa ring banker si Rudinas; isang ama at asawang nagsusumikap na malampasan ang mga hamon sa buhay at ang panganib na dulot ng COVID-19.
Hinikayat din ni Rudinas ang mga kabataang may interes sa pagpipinta na mas pagbutihin pa ang kanilang gawa at patuloy na magbigay inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang obra maestra.
“Patuloy po tayong maging inspirasyon sa iba. Sabi nga ni Salvador Dale, ang totoong artist ay ‘yung nakakabahagi ng mabuting emosyon sa iba at nagiging inspirasyon ito sa kanila na mas maging mabuting tao,” banggit ni Rudinas. (JPG/PIA-Caraga)