DSWD binigyang-parangal ang mga law enforcement agencies sa Caraga
LUNGSOD NG BUTUAN -- Kasabay sa pagbisita ni Secretary Rolando Joselito Bautista ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Butuan City, binigyang-parangal din ang mga natatanging law enforcement agencies sa Caraga region na aktibo sa kampanya ng gobyerno laban sa Trafficking in Persons (TIPs) at Violence Against Women and their Children (VAWC).
Sa kategoryang protection, response and recovery, nanguna sa mga awardees ang Regional Women and Children's Protection Desk, Regional Investigation and Detective Management Division, Women and Children's Protection Center-Mindanao Field Unit, Regional Intelligence Division, at iba't-ibang police stations ng mga probinsya.
Tumanggap din ng plake ang iilang kawani ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kanilang naging kontribusyon sa matagumpay na operasyon laban karahasan sa mga kababaihan at mga bata, maging sa anti-human trafficking campaign sa rehiyon.
Sa ilalim ng advocacy and prevention, pinarangalan ang Surigao del Norte Provincial Office. Tumanggap rin ng plake ang mga natatanging ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health (DOH), Philippine Information Agency (PIA), Maritime Industry Authority (MARINA), Justice, Peace, and Integrity of Creation – Integrated Development Center (JPIC-IDC, Incorporated) at International Justice Mission.
Lahat sila ay pinuri ni Secretary Bautista dahil sa kanilang dedikasyon sa kani-kanilang tungkulin at responsibilidad sa bayan lalo na sa sektor ng kababaihan at mga bata.
Ayon sa kalihim, bagamat marami ng concerns sa lipunan na dapat tugunan ng mga law enforcement agencies sa rehiyon, nasisiguro pa rin ang proteksyon at kapakanan ng dalawang sektor dahil na rin sa suporta at kooperasyon ng iba't-ibang stakeholders na nagreresulta sa kanilang matagumpay na operasyon sa pagligtas ng mga biktima at nambibiktima ng karahasan.
Samantala, laking pasalamat din ni Commission on Human Rights (CHR)-Caraga regional director Atty. Jerefe Tubigon-Bacang, chairperson ng Regional Gender and Development Committee (RGADC) Caraga, kay Secretary Bautista dahil hindi ito nagdalawang isip na bisitahin ang Caraga at makilala ang ang awardees, at magbigay inspirasyon sa kanila. (JPG/PIA-Caraga)