Mahigit PhP7M ayuda para sa mga FRs, ipinamahagi sa Agusan del Norte
LUNGSOD NG BUTUAN -- Mahigit PhP7.3 milyong halaga ng ayuda sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno ang ipinamahagi sa mahigit 100 former rebels (FRs) sa Agusan del Norte.
Ang mga FRs ay tumanggap ng Sustainable Livelihood Assistance (SLP) at puhunan para sa mga asosasyon na mula sa conflict-vulnerable areas.
Isa si Marcelo Tejano na tumanggap ng SLP assistance galing sa DSWD sa tulong na rin ng lokal na pamahalaan. Balak niyang gamitin ang pera sa kanyang sakahan at sa pagpapatayo ng kanyang sariling electrical shop bilang kabuhayan kasama ang kanyang pamilya. Nakapagtapos na rin siya ng TESDA trainings na kanyang ginagamit sa kanyang pagbabagong buhay.
Maliban sa SLP, 30 FRs din ang tumanggap ng tig-sampung libong piso sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.
Si alyas Mikay naman, taga Butuan, na mahigit isang taon sa kilusan bilang isang medic sa Guerilla Front 4A, ay nabigyan rin ng tulong sa ilalim ng AICS. Emosyonal niyang isinalaysay ang kanyang naranasang hirap habang siya ay nasa kilusan pa. Laking pasalamat niya dahil nakasama siya sa binigyan ng ayuda.
Labing -limang asosasyon din mula sa conflict-vulnerable areas ang binigyan ng puhunan, lima sa bawat bayan ng Las Nieves, Jabonga at Kitcharao sa mga nabigyan ng puhunan.
Nagpaalala din si Governor Dale Corvera na gamitin nila ng maayos ang kanilang mga natanggap na tulong. Patuloy aniya ang gobyerno sa pagtulong upang tuluyan nang wakasan ang insurhensiya sa probinsya at ng buong Pilipinas. (NCLM/PIA-Agusan del Norte)