Pamahalaang panlalawigan ng SurSur, mahigpit na hinahanapan ng negative COVID-19 test result ang mga empleyadong hindi naturukan ng COVID-19 vaccine
LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Dahil sa patuloy ngayon na banta ng COVID-19, patuloy rin ang paghihigpit ng pamahalaang panlalawigan ng Surigao del Sur sa mga empleyado nito sa pagsunod ng minimum public health protocols.
Gov. Alexander Pimentel |
Sa panayam ng Radyo Pilipinas Tandag kay Ace Orcullo, Provincial Human Resource Management Officer, sinabing malinaw na nakasaad sa Memorandum No. 225 series 2021 ni Gov. Alexander Pimentel na inilabas noong Disyembre 6, 2021, na hindi pipilitin ang mga kawaning magpaturok ngunit kailangang sumunod sa rekisitong hinihingi tulad ng vaccination card sa mga bakunado na at negative RT-PCR o antigen test result sa mga hindi bakunado.
Paglilinaw ni Orcullo na ito ay upang masigurong protektado laban sa COVID-19 ang mga empleyado maging ang kanilang mga kliyente na pupunta sa mga tanggapan ng kapitolyo.
Aniya, kinakailangang gumastos ng sariling pera ang empleyadong hindi bakunado para sa kanyang RT-PCR o antigen test sakaling papasok na ito sa kanyang trabaho sa kapitolyo.
Dagdag pa ni Orcullo nirerespeto nila ang karapatan ng mga empleyadong ayaw magpaturok ngunit hindi rin pwedeng balewalain ang karapatan ng ligtas na lugar ng trabaho ng mga naturukan na ng bakuna kontra COVID-19. (Nerissa Espinosa, DXJS RP-Tandag/PIA-Surigao del Sur)