COMELEC, law enforcement agencies sa Caraga nakahanda na sa Hatol ng Bayan 2022
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa kabila ng pandemiya at pagtulong sa mga nasalanta ng bagyong Odette, tiniyak ng iba't-ibang ahensya ng pamahalaan ang isang payapa, organisado, at ligtas na pagboto ng mamamayan sa Hatol ng Bayan sa darating na May 9, 2022 national at local elections.
Ayon kay Atty. Geraldine Samson, assistant election director ng Commission on Elections (COMELEC) Caraga, nagsimula na ang mahigpit na implementasyon ng gun ban sa pagsisimula ng campaign period kaya nais ng ahensya na matiyak ang seguridad ng mga kandidato at ng mga botante.
“Patuloy ang ating koordinasyon sa mga ahensya ng pamahalaan kasama ng Philippine National Police para matiyak ang isang tapat, organisado, at matiwasay na eleksyon sa May 9, 2022. Handa na rin ang ating mga provincial at city/municipal COMELEC offices para sa nalalapit na national at local elections,” ani ni Samson.
Hinikayat din ni Atty. Samson ang mga botante na isulong ang kanilang karapatan at bumoto nang maayos sa nalalapit na May 2022 elections.Umaasa rin siya sa pakikiisa ng mga mamamayan sa pag-monitor ng anumang election-related activity sa kani-kanilang lugar upang masiguro ang kapakanan at kaligtasan ng lahat.
Nanawagan din ang PNP sa mga firearm holders na expired na ang mga lisensya ng baril na dalhin ito sa kanilang tanggapan para maayos ang kustodiya nito habang sumasailalim pa sa renewal of license.
"May batas po tayong sinusunod. Sa mga may expired na baril, mahigpit po ang ating checkpoints kaya asikasuhin na po agad ang renewal nito dahil sa oras na makita po ito sa checkpoint na walang sapat na dokumento, makukumpiska po ito at may karampatang penalty po sa mga lalabag. Idulog niyo lang po sa tanggapan ng PNP ang inyong baril at kapag natapos na po ang renewal, pwede na po ito agad makuha,” banggit ni Police Colonel Martin Gamba, dating provincial director ng Police Provincial Office – Agusan del Norte at ngayon ay chief ng Regional Investigation and Detective Management Division ng PNP-Caraga. (JPG/PIA-Caraga)