Pagbalasa ng mga election officers sa SurSur, isinagawa na
LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Epektibo na noong Miyerkules, Enero 19, ang pagbalasa sa pagitan ng mga election officers sa buong lalawigan ng Surigao del Sur.
Sinabi ni provincial election supervisor (PES) Atty. April Joy Balano, karaniwan na ang ganitong hakbang tuwing sasapit ang election period. Paliwanag ng PES, layon nito para maiwasan ang ano mang posibleng impluwensiya o kaya “familiarity” o posibilidad ng “partiality.”
Dahil dito, lahat ng kanilang field officers, ayon sa kanya, ay maitatalaga sa bago at pansamantala nilang place of assignment.
Ang Surigao del Sur na mayroong 19 na LGUs - 17 ay munisipyo habang dalawa ang lungsod ay tig-isa ng election officer (EO).
Nauna nang nagkaroon ng pagbalasa sa pagitan ng mga PES sa Caraga Region tulad ni Atty. Balano na naitalaga dito kapalit ni Atty. Ernie Palanan na napunta naman sa Province of Dinagat Islands (PDI). (Greg Tataro, Jr., DXJS RP Tandag/PIA-Surigao del Sur)