DOLE Caraga hinikayat ang mga LGU na lubhang naapektuhan ng bagyong Odette na mag-sumite ng mga panukala para sa sapat na kabuhayan ng mga residente
LUNGSOD NG BUTUAN -- Bukod sa tulong mula sa mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) tulad ng Tulong Panghanapbuhay sa mga Displaced/Disadvantaged (TUPAD), hinikayat din ng ahensya ang mga lokal na pamahalaan sa Caraga Region, lalo na sa mga lubhang naapektuhan ng bagyong Odette, na mag-sumite ng mga panukala na naaayon sa kabuhayan ng mga residente sa kani-kanilang lugar.
“Ang Department of Labor and Employment ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa ating mga Public Employment Service Offices (PESO), sa lahat ng local government units natin na apektado hindi lamang dito sa hardest hit areas ng Surigao del Norte municipalities and cities, at sa Dinagat Islands kung hindi maging sa ibang areas dito sa ating rehiyon,” ani ni DOLE Caraga regional director Joffrey Suyao.
Binigyang-diin ni Director Suyao na mahigpit ang kanyang utos sa mga PESO managers na magsagawa ng assessment sa mga apektadong lugar ng rehiyon at makipag-ugnayan din sa lokal na pamahalaan para malaman ang kanilang mga pangangailangan at mabigyan ng kaukulang pondo ng DOLE Central Office.
“Maliban sa deployment ng ating TUPAD o Emergency Employment Program, patuloy po ang ibang programa ng departamento lalong-lalo na ‘yung poverty alleviation program natin – kabuhayan or livelihood program. Sa ilalim ng kabuhayan, may tatlong pamamaraan po tayo kung papaano makabenepisyo nito. Mayroon tayong start-up na availment; kung mayroon kang exisiting kabuhayan at nabagyohan, mayroon tayong tinatawag rehabilitation program; at mayroon din tayong pang-grupo, hindi lang pang-indibidwal,” dagdag ni Suyao.
Nagbibigay din ang DOLE ng tulong-teknikal sa mga benepisyaryo katulad ng mga tools o makinarya na kanilang magagamit sa kanilang kabuhayan depende sa ma-a-aprubahang proposal ng DOLE. (JPG/PIA-Caraga)