38.43% na target, nakamit ng PHO sa SurSur sa ika-3 round ng Bayanihan, Bakunahan
LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Iniulat ni Helbert Lugo, Health Education and Promotion Officer ng Provincial Health Office (PHO) sa Surigao del Sur, na nakamit sa probinsya ang 38.43% na target accomplishment dito para sa ikatlong round ng Bayanihan, Bakunahan “National COVID-19 Vaccination Days” noong Pebrero 10 at 11 ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Lugo, umabot sa 10,425 indibidwal ang naturukan ng bakuna kontra COVID-19 sa naturang aktibidad kung saan target dito ang 27,126 katao.
Maiintindihan naman aniya ang nakamit na accomplishment dahil sa aktibong pagbabakuna ng mga lokal na pamahalaan kahit na hindi pa isinasagawa ang Bayanihan, Bakunahan.
Inihayag naman ni Lugo na 72.88% na ng 80% na target na populasyon sa probinsya ang nabigyan ng 1st dose ng nasabing bakuna. Nasa 64.22% na rin aniya ng 80% na target na populasyon sa probinsya ang nabigyan ng 2nd dose ng nasabing bakuna at mahigit sa 22,000 katao na rin ang nabigyan ng booster dose. (John Cuadrasal, DXJS RP-Tandag/PIA-Surigao del Sur) [Photo credit: CIO_Bislig and LGU-Hinatuan]