120 estudyante nag-qualify sa PISAY Caraga para sa SY 2022-2023
LUNGSOD NG BUTUAN -- Umabot sa 120 ang naging qualifiers para sa incoming Grade 7 scholars ng Philippine Science High School sa Caraga Regional Campus o PISAY Caraga para sa SY 2022-2023.
Ang nasabing mga qualifiers ay kabilang sa mahigit 1,000 estudyanteng sumubok sa entrance examination at umasang maging scholar ng PISAY.Ayon kay Engr. Ramil Sanchez, PISAY Caraga campus director, nadagdagan ng isang section ang dating tatlong sections ang kanilang scholars sa darating na pasukan.
Sa ginawang Regional Recognition of Qualifiers and Partners ng PISAY Caraga ay binati ni NEDA regional director Priscilla Sonido ang mga qualifiers at hinikayat niya ang mga ito na magtiyaga at pagbutihin ang kanilang pag-aaral.
Sa mensahe ni Geian Migel Casio, ang top one qualifier sa SY 2022-2023, nagpaabot ito ng pasasalamat sa mga magulang para sa kanilang suporta para sa mga qualifiers at binati ito ang kanyang kapwa scholars. Banggit niya, ito ay bunga ng kanilang pagsisikap at dedikasyon sa hangaring maging PISAY scholar.
Pinasalamatan din ni Engr. Sanchez ang mga sumusuportang partners upang ipaabot ang programa ng PISAY sa iba’t-ibang parte ng rehiyon. (NCLM/PIA-Caraga)