100 na magkasintahan sa syudad ng Cabadbaran nakilahok sa Kasalan ng Bayan
LUNGSOD NG BUTUAN -- Umabot sa 100 na magkasintahan ang ikinasal sa Cabadbaran City, Agusan del Norte sa pangunguna ng City Civil Registrar sa ilalim ng programang Kasalan ng Bayan 2022.
Ayon kay City Civil Registrar Ma. Jean Milan Chee, isa itong highlight sa selebrasyon ng Civil Registration Month. Ito ay libre at suportado ng local government unit kung saan makakatanggap din ng regalo ang mga ikinasal.
Nanawagan si Chee sa mga Cabadbaranons na hindi pa kasal ngunit matagal nang magkasama o naglive-in na samanatalahin ang libreng kasalan sa syudad.
Naniniwala rin si Mayor Judy Chin-Amante na ang pagpapakasal ay isang paraan upang maprotektahan at lalo pang mapagtibay ang pagsasama ng mag-asawa. Pinayuhan din niya ang mga ito na maging matatag sa kahit anong pagsubok na kanilang haharapin bilang mag-asa.
Sa ginawang Kasalan ng Bayan, lubos ang saya at purong pasasalamat din ng mga ikinasal lalo na kay Mayor Amante dahil natupad na rin ang matagal na nilang inaasam na maikasal.
Ang Kasalan ng Bayan sa Cabadbaran City ay hinati sa apat na grupo o schedule upang mapanatili ang social distancing lalo na’t patuloy pa rin ang banta ng COVID-19. (NCLM/PIA-Agusan del Norte)