IPs sa probinsya ng SurSur nagpaabot ng pasasalamat sa gobyerno dahil sa mga natapos na SBDP projects
Ni Jennifer P. Gaitano
BUTUAN CITY -- Nai-turn over na sa lokal na pamahalaan ng Surigao del Sur ang ilang pangunahing proyekto sa ilalim ng Support to Barangay Development Program (SBDP) ng Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).
Siniguro ng NTF-ELCAC na maitaguyod ang kapakanan ng bawat residente lalo na ng mga indigenous peoples (IPs) sa mga conflict-affected areas sa probinsya.
Kabilang sa mga priority projects ang 1.2 kilometer farm-to-market roads; construction ng school building sa Sitio Simuwao ng Barangay Diatagon, Lianga; local access barangay road sa Barangay Buhisan, Lianga, San Agustin; construction ng 6-unit school sanitary toilets with septic tank; installation ng solar street lights sa buong barangay ng Pong-on, San Agustin; at road concreting mula barangay proper hanggang Purok-4 ng Tagbobonga, Hinatuan.
Dahil dito, nagpaabot ng pasasalamat si Datu Estanislao Tolentino, Jr., Indigenous Peoples Mandatory Representative ng Barangay Diatagon.
“Itong mga proyektong ito na isinulong ng ating Presidente Rodrigo Duterte ay talagang naaayon sa pangangailangan ng mga mamamayan lalo na sa aming mga nasa upland area. Kaming lahat sa tribu ay umaasang mas marami pang maisakatuparang proyekto at programa,” ani ni Tolentino.
Laking pasalamat din ni Mayor Novelita Sarmen ng Lianga, Surigao del Sur. “Ang local na pamahalaan ng Lianga ay nagpapasalamat kay President Rodrigo Duterte dahil sa wakas ay natapos na itong proyekto na matagal nang inaasam ng ating mga tribu dito sa lianga lalo na sa Sitio Simuwao,” banggit niya.
Samantala, binigyang diin ni Undersecretary Lorraine Badoy ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na kailangang magkaisa ang lahat para tuluyan nang masugpo ang insurgency at tuloy-tuloy ang mga programang pang-kaunlaran ng gobyerno sa lugar.
“Sa totoo lang, ang pinakamakapangyarihan sa demokrasya ay kayo. Hindi ‘yun salita, so ngayon na darating na halalan gamitin ninyo ‘yun para tuloy-tuloy [ang kaunlaran] kasi hindi ito matatapos [insurgency] ng kahit na sinong pangulo itong problemang ito kung hindi ito gaganda ng katulad ng mga pangarap natin, kung ang susunod na pangulo ay kaibigan ang CPP-NPA-NDF,” pahayag ni Usec. Badoy. (JPG/PIA-Caraga)