PNP-Agusan del sur mas pinaigting ang kampanya laban sa insurgency; LGUs umaasang magpapatuloy pa ang ELCAC
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Kasabay ng mas pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa insurgency o terorismo lalo na ngayong nalalapit na ang May 2022 national at local elections, umaasa ang mga lokal na pamahalaan sa Caraga Region na patuloy pa rin ang Task Force to End Local Communists Armed Conflict (TF-ELCAC) sa kanilang tulong sa peace and order ng rehiyon, kahit pa marami nang mga miyembro ng mga communist-terrorists groups (CTGs) ang sumuko sa gobyerno.
Ayon kay Police Colonel Jovito Canlapan, officer-in-charge ng Agusan del Sur Police Provincial Office (ADSPPO), patuloy ang koordinasyon ng kanilang hanay sa iba't-ibang sektor sa probinsya upang tuluyang wakasan ang insurgency.
“Nagiging epektibo ang implementasyon ng Executive Order No. 70 lalo na sa mga conflict-affected areas dahil na rin sa kooperasyon ng iba't-ibang sektor. Mas pagtitibayin pa natin ang mga inisyatibo ng gobyerno para sa kapakanan at kabutihan ng mga sektor,” ani ni Canlapan.
Patuloy rin aniyang nakaantabay ang PNP, lalo na sa mga checkpoints sa mga barangay ngayong campaign period.
Nanawagan din ang opisyal sa publiko na maging alerto at agad na i-report sa otoridad sakaling may mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.
“Mahalaga po ang inyong partisipasyon at suporta sa mga adbokasiya ng gobyerno. Para naman sa mga natitira pang NPAs, handa po ang gobyerno sa iyong pagbalik-loob at mabigyan kayo ng kaukulang tulong," dagdag ng opisyal.
Suportado naman ito ng mga LGUs, tulad ng Esperanza sa Agusan del Sur, kung saan marami nang sumukong miyembro ng NPA at dama na ngayon sa lugar ang mga magagandang proyekto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binigyang-diin ni Mayor Leonida Manpatilan, na ang farm-to-market road at iba pang infrastructure projects at mga Serbisyo Caravan sa mga malalayong barangay ang nagbigay pag-asa sa mga residente lalo na sa mga indigenous peoples (IPs).
"Nagpapasalamat kami kay Pangulong Duterte sa kanyang mga programa at sana ay patuloy na mabigyang-pansin at matugunan ng ating national government ang farm-to-market roads lalo na dito sa Esperanza dahil tiyak na lalago din ang kabuhayan ng mga residente sa pag-angkat ng kanilang produkto sa ibang lugar at maisulong pa ang kaayusan sa esperanza," ani ni Manpatilan. (JPG/PIA-Agusan del Sur)