SurSur nanguna sa tala ng fully-vaccinated population kontra COVID-19 sa Caraga
LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Nangunguna ang lalawigan ng Surigao del Sur sa limang probinsya sa rehiyon ng Caraga sa porsyento ng mga indibidwal na fully-vaccinated kontra COVID-19, batay sa ulat na ipinalabas ng Department of Health Center for Health Development (DOH-CHD) noong Abril 3.
Sa inilabas na report ng DOH-CHD sa Caraga, sa target nitong 80% ng populasyon, nanguna ang Surigao del Sur sa antas ng mga probinsya na may 69.81% ang fully-vaccinated.
Sumunod naman dito ang Agusan del Norte na may 66.85%; Agusan del Sur na may 64.06%; Surigao del Norte na may 62.63%; at ang Probinsya ng Dinagat Islands na may 54.93%.
Sa antas naman ng mga lungsod sa rehiyon, nanguna ang Butuan City na may 78.62% ang fully-vaccinated. Sinundan ito ng Tandag City sa Surigao del Sur na may 77.33%; Cabadbaran City na may 75.28%; Bislig City, Surigao del Sur na may 68.94%; Surigao City na may 61.58%; at Bayugan City na may 61.40%.
Samantala, isinailalim na ngayon ang Surigao del Sur sa Alert Level 1. Bagamat naibaba na ang alert level status sa buong probinsya, patuloy na isinasagawa ang pagbabakuna kontra COVID-19. (NGPB/PIA-Surigao del Sur)