National highways sa SurSur, titiyakin ng DPWH na madaanan pa din ngayong Semana Santa
LUNGSOD NG TANDAG, Surigao del Sur -- Nakahanda na ngayon ang mga maintenance personnel ng mga district engineering offices ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Surigao del Sur na tiyaking madadaanan ang national highway sa probinsya sa panahon ng Semana Santa.
Ayon kay Engr. Anabelle Acma, assistant district engineer ng 1st District Engineering Office ng DPWH dito, nakahanda ang mga tauhan nila sa maintenance section na rumesponde sakaling may problema sa national highway ngayong Semana Santa.
Inihayag rin ni Engr. Noel Oclarit, district engineer ng 2nd District Engineering Office, pananatilihin nilang madadaanan ang mga highway sa probinsya sa panahon ng Semana Santa at nakaabang ang mga tauhan nila sa maintenance section para tumulong sa mga motorista.
Kaugnay ng pagsasagawa ng Lakbay Alalay o ang pagtulong nila sa mga motorista, sinabi nina Engr. Acma at Engr. Oclarit na wala pa silang natanggap na direktiba o memorandum kaugnay ng pagsasagawa nito. (John Cuadrasal, DXJS RP-Tandag/PIA-Surigao del Sur)