DICT mas mapapadali na ang pagresponde sa mga lugar na maaapektuhan ng ano mang sakuna o emergency sa Caraga region dahil sa bigay na mga sasakyan mula sa UNDP
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Maliban sa pagpapalakas ng teknikal na kakayahan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa Caraga Region, mas padadaliin na rin ngayon ang pagresponde ng ahensiya sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng sakuna o emergency.
Ito ay sa tulong ng mga bagong sasakyan na ipinagkaloob ng United Nations Development Program (UNDP).
Ayon kay DICT Undersecretary of Resilient Government Emergency Communications Alan Silor, madalas ginagamit ng mga kawani at responders sa pag-monitor ang kani-kanilang mga sariling sasakyan dahil na rin sa kakulangan ng pundo ng ahensiya.
“Madalas nagagamit ng ating mga personnel at responders team ang kani-kanilang sariling sasakyan hindi dahil sinabihan sila kung hindi dahil wala nang iba pang magamit. Ni hind inga rin kami maka-renta ng sasakyan sa kasagsagan ng bagyo at sa pagresponde. Kaya maraming salamat sa inyong taos-pusong serbisyo,” ani ni Usec. Silor.
Nagpasalamat din si Usec. Silor sa tulong teknikal ng UNDP sa pamamagitan ng kanilang naibigay na communication equipment tulad ng satellite phones at two-way radio sets na malaking tulong lalo na noong may Super Typhoon Odette.
Binigyang-diin din ni UNDP Deputy Resident Edwine Carrie ang kahalagahan ng partnership ng kanilang organisasyon at ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan.
Aniya, ang mga sasakyang bigay ng UNDP ay kanilang suporta at kontribusyon sa gobyerno para mas mapadali ang pagresponde nito sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng ano mang disaster at emergency. (JPG/PIA-Caraga)