Army reserve force sa Caraga Region, mas pinaigting pa ang inisyatibo at adbokasiyang pangkapayapaan
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa layong mas mahasa at mas maging epektibo ang pakikipag-ugnayan ng mga miyembro ng army reserve force sa mga komunidad at mga partner stakeholders sa Caraga Region, tinuruan ng ibat-ibang techniques at strategies ang mga reservists o citizen army sa basic journalism lalo na sa pagbuo ng mga tama at naaayon na mensaheng pangkapayapaan para sa lahat.
Sa pangunguna ng 15th Regional Community Defense Group (RCDG) at Philippine Information Agency (PIA) Caraga, mas lumawak ang kaalaman ng mga citizen army kung paano mas mapalawig pa ang kampanya ng gobyerno sa mga barangay laban terorismo at insurhensiya.
Para kay Private Jenily Tindoy ng 1501st Ready Reserve Infantry Battalion na isang nurse sa public hospital sa lungsod ng Butuan, isang malaking oportunidad ang maging reservist at makatulong sa kapwa lalo na tuwing may disaster o emergency.
Ayon sa kanya, mahalaga ang ginagampanang tungkulin ng bawat reservist sa komunidad at sa bansa. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng bolunterismo.
"Bilang reservist, need namin na ma-enhance ang aming skills in News Writing na magagamit rin namin sa pagbahagi ng impormasyon sa response operation tuwing may calamity, disaster at iba pang peace and development na activities na tiyak makakakuha ng atensyon ng iba pang mga sector," ani ni Pvt Tindoy.
Nanawagan din si Colonel Diosdado Peji, commander ng 15th RCDG sa mga kabataan at iba pang sektor na maging parte ng Reserve Force at makiisa sa adhikain tungo sa pagkamit nang maayos, payapa at ligtas na komunidad.
"Nananawagan ako iba’t-ibang sektor particularly yung ating mga kabataan na mas maging aktibo at maging parte ng ating citizen soldier kasi ito yung ating organization na may totoong layunin sa pagtulong sa kapwa, at malawak ang ating oportunidad na matulungan natin ang ating bansa,” pahayag ni Col Peji. (JPG/PIA-Caraga)