DOH Caraga mas pinaigting ang programa para sa mga indibidwal na may HIV-AIDS
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Mas pinaigting ng Department of Health (DOH) Caraga ang kampanya laban sa diskriminasyon at implementasyon ng mga programa para sa mga taong may Human Immunodeficiency Virus - Acquired Immunodeficiency Syndrome (HIV-AIDS).
Ayon kay DOH Caraga regional director Dr. Cesar Cassion, mula taong 2015, 954 kaso na ng HIV-AIDS ang naitala habang may 111 pang kaso na naitala noong 2021 base sa mga resultang nakita sa testing center.
“Hinihikayat natin ang iba na magpa-konsulta at magpa-test upang malaman ang kanilang kondisyon. Mayroon na tayong satellite hubs dito sa Caraga kabilang na ang Butuan Medical Center (BMC), mayroon din sa Agusan del Sur, Bislig City, at Surigao City na pwede nilang puntahan,” ani ni Dr. Cassion.
Dagdag pa ni Dr. Cassion, may programa ang gobyerno para matuunan ng pansin at mabigyan ng lunas ang mga indibidwal na may HIV-AIDS.
“Parte ng ating adbokasiya ang mas lalo pang maipaalam sa publiko ang tungkol sa HIV-AIDS at malaman din nila na mayroon na tayong retrovirals bilang panlunas sa sakit na ito. Hindi tulad noong mga nakaraang taon na marami ang namamatay, at dahil sa mga nadiskubre na medisina, nakikita pa rin natin hanggang sa ngayon ang mga taong may HIV-AIDS,” pahayag ni Dr. Cassion.
Binigyang-diin din ni Dr. Cassion ang pagpapanatili ng confidentiality ng mga may HIV-AIDS upang sila’y maprotektahan laban sa diskriminasyon mula sa ibang tao.
“Parte pa rin sila ng ating komunidad at patuloy silang tumutulong sa pag-unlad ng ating bansa,” dagdag ni Dr. Cassion.
Samantala, nanawagan din ang iba’t-ibang sektor na suportahan ng publiko ang adbokasiyang ito.
“Imbes na laitin o iwasan, i-respeto pa rin po natin sila at igalang. May lunas naman po sa mga sakit tulad nito. Magkaisa rin po tayo sa pagpapaigting pa ng kampanya laban sa HIV-AIDS,” ani ni Frank Nicol Melgar, public relations officer ng SM City Butuan. (JPG/PIA-Caraga)