COMELEC Caraga tiniyak na mas magiging maayos at organisado ang barangay election sa Disyembre
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Dahil sa mga isyu at concerns na natanggap ng Commission on Elections (COMELEC) Caraga mula sa iilang botante sa katatapos lang na May 9, 2022 National at Local Elections, mas pinaghahandaan na ng ahensya ang gaganaping Barangay Election sa Disyembre.
Samson |
Ayon kay Atty. Geraldine Samson, assistant regional election director, maliban sa mga na-ireport na depektibong vote-counting machines (VCM) at SD cards mula sa iilang polling precincts, ang mahabang pila pagpasok sa polling centers dahil sa health protocol ang naging reklamo ng mga botante.
“Hahaba talaga ang pila dahil isang entrance lang meron kada polling center dahil sa may health protocols pang kailangan i-observe ng mga botante bago makapasok, at isang exit lang din. Hindi tulad nuong wala pang pandemic na marami tayong binuksan na entrance gates. May nagreklamo din na natigil sandali ang pagboto sa precinct dahil nagbreak muna ang mga electoral board. Tao din naman sila kailangan din nilang kumain," paliwanag ni Atty. Samson.
Dahil dito, nanawagan ang opisyal sa mga botante na ipagbigay-alam lamang sa kanilang ahensiya ang ilan pang concerns sa pagboto para agad na matugunan.
Hinikayat din niya ang iba pang hindi botante o deactivated na ang account na magpa-rehistro sa pagbabalik ng voter registration sa Hulyo.
“Malaking tulong po ang inyong ipinaabot na concern sa aming ahensiya upang matugunan po agad natin ang mga ito. Umaasa po tayo na magiging maayos din ang gagawing Barangay Election sa December 2022," ani ni Atty. Samson. (JPG/PIA-Caraga)