COMELEC Caraga binigyang-pugay ang probinsya ng Dinagat Islands na pinaka-unang nakapag transmit ng election ballot results
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Pinuri ng Commission on Elections (COMELEC) Caraga ang probinsya ng Dinagat Islands dahil sa pinaka-una ito sa lahat ng probinsya sa rehiyon na nakapag-transmit ng election ballot results.
Ito ay kahit pa marami sa mga island barangay nito ay walang signal at unti-unti pang bumabangon matapos masalanta ng bagyong Odette.
Ibinahagi ni Atty. Geraldine Samson, assistant regional election director, na alas-siete palang ng gabi noong May 9 ay nakapagpadala na agad ang nasabing probinsya ng ballot results. “Nakita naming na talagang aktibo ang ating mga kasamahan sa COMELEC sa Dinagat Islands kasama ang mga ahensya ng gobyerno at iba pang sector doon,” sabi niya.
Ayon naman kay Atty. Ernie Palanan, provincial election supervisor ng Dinagat Islands, ilang buwan bago ang May 2022 national at local elections ay puspusan na ang kanilang pagpaplano kasama ang Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at iba pang law enforcement agencies. Ito ay upang masigurong maayos, organisado, at ligtas ang pagboto ng mga 81,088 registered voters sa probinsya.
Palanan |
Inalam din nila ang sitwasyon ng mga eskwelahan, maging ang linya ng kuryente at internet connection sa lugar, lalo't unti-unti pang bumabangon ang probinsya mula sa pinsalang dulot ng bagyong Odette. Naglaan din aniya sila ng tig-iisang pumpboat kada island barangay upang madeliver ang mga vote-counting machines at iba pang election paraphernalia.
"Sa tulong ng Philippine National Police at Philippine Army, chineck talaga namin ang mga barangay para malaman ang mga isyu at concern para agad mahanapan ng paraan at matiyak na walang magiging problema sa araw mismo ng election. May mga lugar na walang signal at internet connection kaya nag-isip na kami agad ng ibang paraan kung papaano ang pagtransmit ng results,” banggit ni Palanan.
Wala rin aniyang naitala na election-related incident sa lugar.
Laking pasalamat din ni Palanan sa iba't-ibang sektor na tumulong upang maging madali ang buong proseso ng pagboto at agad maipadala lahat ng election results mula sa mga polling centers ng mga barangay sa nasabing probinsya.
“Maraming salamat sa lahat ng ating law enforcement agencies lalo na ang PNP at Philippine Army na talagang aktibo sa pagmonitor ng peace and order sa mga island barangays,” ani ni Palanan. (JPG/PIA-Caraga)