Mga kolehiyo sa Caraga region aktibong nakilahok sa ‘Oplan Linis’ sa mga eskwelahan at iba pang pampublikong lugar
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Matapos ang May 2022 national at local elections, abala na ngayon ang mga estudyante sa kolehiyo sa isinasagawang clean-up drive sa mga eskwelahan at iba pang pampublikong lugar kung saan inalis nila ang mga nakaposte na campaign materials ng mga kandidato.
Ang mga estudyanteng ay aktibo sa kanilang National Service Training Program (NSTP) kasama ang mga cadets ng Reserve Officer Training Corps (ROTC) at Civic Welfare Training Service (CWTS) ng Caraga State University (CSU); Saint Michael College of Caraga SMCC); at Northern Mindanao Colleges Incorporated (NMCI).Isa si Pixy Camille Sotes, ROTC Cadet Officer ng SMCC sa mga nakilahok sa nasabing aktibidad at nagpahayag ng kaniyang interes at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagawa ng mga makabuluhang gawaing makatutulong sa pag-unlad ng komunidad.
“Dapat nating tulungan ang ating bansa na umunlad. Imbes na kumalaban tayo sa gobyerno, mas dapat maging instrument tayo sa pagtulong sa atong kapwa at sa ating bayan. Maging Mabuti at responsible po sana tayong kabataan at mamamayan sa lipunan,” ani ni Sotes.
Ayon kay Major Frances Belarmino, director ng 1501st Community Defense Center 1501st CDC) ng 15th Regional Community Defense Group (15th RCDG), ang Oplan Linis ay isa lamang sa mga makabuluhang aktibidad na maiaambag ng mga kabataan bilang tulong nila sa kani-kanilang komunidad.
“Marami pa tayong magagawa para sa ikabubuti ng ating bayan,” banggit ni Maj Belarmino.
Pinasalamatan din ni Amalia Pitogo, principal ng Bit-os Elementary School sa Butuan City ang mga kabataan kasama ang 15th RCDG sa kanilang pagsisikap at pagtulong sa pamamagitan ng Oplan Linis. (JPG/PIA-Caraga)