Nakumpiskang ilegal na droga sa Caraga region, sinira at sinunog ng pdea kasama ang iba’t-ibang sector
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga, ilang dangerous drugs at paraphernalia na nakompiska ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa matagumpay nitong operasyon sa rehiyon ang sinira at sinunog ng ahensiya kasama ang ibang pang sektor ng gobyerno.
Rosales |
Abot sa P7.8 milyong halaga ng ilegal na droga ang sinira sa loob ng pasilidad ng isang plywood corporation sa butuan.
Bago ito, dumaan muna sa thermolysis ang mga ilegal na droga.
Ayon kay PDEA Caraga regional director Emerson Rosales, ang pagsunog ng mga ilegal na droga tulad ng shabu, marijuana at mga paraphernalia ay alinsunod sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Dangerous Drugs Board Regulation No. 1 series of 2002.
Tiniyak ng opisyal na ano mang ilegal na droga na kanilang nakokompiska ay hindi narerecycle at lahat ay accounted ng ahensiya.
“Lahat po na ating nakompiska na illegal drugs ay accounted mula sa pinakamaliit na grams hanggang sa malalaking grams nito. Dumadaan po lahat sa proseso at wala pong nakakalusot na mga illegal drugs at paraphernalia,” ani ni Rosales.
Binigyang-diin din ni Director Rosales na patuloy nilang tututukan ang mga barangay at mas paiigtingin pa ang kanilang advocacy campaign upang tuluyang masugpo ang ano mang ilegal drug operation at maprotektahan ang mga residente lalo na ang mga kabataang madalas nabibiktima nito.
“Nananawagan po tayo sa ating mga kababayan na magreport po sa PDEA o sa Philippine National Police (PNP) kung sakaling may alam kayo na illegal drug operation sa inyong mga barangay upang agad din pong matugunan ng ating kawani,” banngit ni Rosales. (JPG/PIA-Caraga)