DOST-NRCP tutulong na mapundohan ang mga makabuluhang research proposals sa mga Local Universities and Colleges (LUC)
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Mas maeengganyo na ang mga guro at estudyante na makagawa ng makabuluhang research proposal, kasunod ito ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) ng Department of Science and Technology - National Research Council of the Philippines (DOST-NRCP) at Saint Joseph Institute of Technology (SJIT) para sa programang Research Development Lead (RDLead). Ito ay kung saan ang isang research proposal ay maaari nang mapundohan ng nasabing ahensiya.
Layon nitong mahasa pa at mapatibay ang kapasidad sa pananaliksik ng mga sektor sa academe, research and development institutions, at iba pang ahensiya ng gobyerno.Ayon kay Dr. Marieta BaΓ±ez Sumagaysay, executive director ng DOST-NRCP, may naitalaga na silang RD leader para sa SJIT at ang DOST Caraga naman ang siyang magbibigay sweldo sa RD Leader sa loob ng isang taon. Sakali aniyang may research proposal na papasa sa screening ng ahensiya, maaari nila itong mabigyan rin ng pundo para sa implementasyon ng proyekto.
“Ang mga scientist ay matatagpuan sa iba’t-ibang lugar ng bansa at kailangan nating makipag-ugnayan sa kanila para matulungan din natin sila. Kailangan natin silang i-capacitate at matulungang umunlad,” ani ni Sumagaysay.
Nagpasalamat naman si Dr. Letecia Salas, ang CEO ng SJIT sa Butuan City dahil isa ang kanilang insitusyon sa buong bansa na napili ng DOST-NRCP na maging partner-beneficiary ng RDLead Program.
“Maraming Salamat sa DOST-NRCP sa ating partnership. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng RD Lead Program, malayo ang mararating ng SJIT,” banggit ni Salas.
Hinikayat naman ni DOST-Caraga regional director, Engr. Noel Ajoc ang mga mag-aaral na mas paghusayin pa ang kanilang interes sa pagbuo ng mga malikhaing research proposal na may malaking maitutulong rin sa komunidad.
“Mas paghusayin pa sana ninyo ang inyong kaalaman at kahusayan sa pagawa ng mga research proposal na tiyak din na malaking maitutulong sa ating mga komunidad,” pahayag ni Ajoc. (JPG/PIA-Caraga)