Lokal na pamahalaan ng Agusan del Sur, binigyang-halaga ang mga iskolar ng probinsya
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Kalidad na edukasyon ang isa sa mga binibigyang prayoridad ng provincial government ng Agusan del Sur. Marami na ring estudyante ang nakapagtapos ng pag-aaral at ngayon ay nagseserbisyo na sa mga tanggapan ng probinsya.
Governor Santiago Cane, Jr. |
Nasa mahigit 600 na ang iskolar ng provincial government para sa school year 2022-2023 na iprenisenta ni Governor Santiago Cane, Jr., kasabay sa selebrasyon ng 55th Foundation Anniversary sa Agusan del Sur.
Sa mensahe ni Representative Adolph Edward Plaza ng Agusan del Sur 2nd District, ibinahagi niyang nasimulan ang pagpapatupad ng Provincial Government of Agusan del Sur Scholars sa taong 2001 sa layong matulungang makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo ang mga naghihirap na kabataan, at matulungan din ang kani-kanilang pamilya na makaahon sa hirap.
“Ito ang naisip na programa ng ating provincial government na alam nating makatutulong lalo na sa mga kabataan nating mahihirap,” banggit ni Plaza.
Isa si Crisel Recio mula sa bayan ng San Francisco, sa mga mapapalad na naging scholar ng provincial government mula taong 2015 hanggang 2019. Ibinahagi niya ang hirap na kaniyang dinanas habang nag-aaral pa hangga’t matapos niya ang kanyang pag-aaral sa tulong at suporta ng gobyerno.
Hindi rin hadlang ang pagiging mahirap dahil may mga programa ang pamahalaan para matugunan ang mga pangangailangan ng mga kabataan. Kailangan lang aniya ng tiyaga at pagsisikap para malampasan ang mga pagsubok at magtagumpay.
“Dahil sa scholarship, nagtapos po ako sa kolehiyo at nagging Cum Laude. Nakuha ko ang aking diploma at medal. Naisakatuparan na rin ang aking panagrap. Umaasa ako na dahil dito, magsilbi sana itong inspirasyon sa mas marami pang kabataan dito sa ating probinsya,” ani ni Recio.
Samantala, nataon sa nasabing okasyon ang pagbisita rin ni former presidential spokesperson, Secretary Harry Roque. Nanawagan din siya sa mga kabataan na huwag sayangin ang oportunidad na maging scholar.
(“ang aking pakiusap at panawagan sa inyo, sana po huwag makakalimutan na ang sambayanang Pilipino ang nagsakripisyo at nagbayad para sa inyong scholarship kaya kinakailangan po talaga na suklian din ninyo ang taong-bayan,” pahayag ni Roque. (JPG/PIA-Agusan del Sur)