MOA sa pagitan ng ACDI at CDA kasama ang 7 kooperatiba sa Caraga, selyado na
LUNGSOD NG BUTUAN -- Lumagda na ang ACDI Multipurpose Cooperative (ACDI MPC) at Cooperative Development Authority (CDA) kasama ang pitong kooperatiba mula sa Caraga Region sa Koop Kapatid Memorandum of Agreement (MOA) sa isang seremonyang isinagawa sa Gateway Hotel sa Surigao City, Surigao del Norte, kanina.
Sa ilalim ng Koop Kapatid Program, magkakaloob ang ACDI ng technical at financial assistance sa mga cooperative-beneficiaries.
Layunin din ng programa na tulungan ang mga benepisyaryong kooperatiba na i-angat ang kanilang estado patungo sa pagiging isang small cooperative mula sa pagiging micro cooperative sa loob ng tatlong taon.
Ayon kay retired Maj. Gen. Gilbert Llanto, chairman ng ACDI MPC at pangulo ng National Alliance of Cooperatives, bumalangkas ang ACDI ng isang scale-up plan na magtatatag sa mga programa nito para sa cooperative beneficiaries.
Magkakaloob din anya ang programa ng oportunidad sa mga small scale cooperative upang magtagumpay at umunlad at mapatatag ang kanilang operasyon sa mahabang panahon.
Magbibigay rin ito ng isang positibong resulta dahil ibabahagi ng partner cooperative ang resources nito upang matulungan ang mga benepisyaryong kooperatiba. (PR/PIA-Caraga)