Kahalagahan ng breastfeeding para maging malusog ang mga bata, tinalakay sa isang forum sa Butuan City
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Bilang bahagi ng selebrasyon ng National Nutrition Month sa buwan ng Hulyo, mas napalawig pa ang kampanya ng gobyerno laban sa malnutrisyon, kahalagahan ng breastfeeding o pagpapasuso, at pagpapatupad ng Executive Order 51 o ang Milk Code of the Philippines.
Labordo |
Pinangunahan ito ng National Nutrition Council (NNC) Caraga, kasama ang United Nations Children's Fund (UNICEF) sa isinagawang forum sa Butuan City.
Ayon kay Dr. Archie NiΓ±o Labordo, Regional Nutrition Program Coordinator ng NNC-Caraga, hindi lamang ang mga nanay ang dapat makaalam sa kahalagahan ng breastfeeding na may naidudulot na kabutihan sa kalusugan at nutrisyon ng mga bata, kundi maging ang iba't-ibang sektor na may mga programa at serbisyong ibinibigay sa komunidad.
“Dapat malaman hindi lang para sa ating mga nanay, magulang at pamilya na alam ang kahalagahan ng breastfeeding o pagpapasuso sa mga sanggol, maging sa mga manggagawa tulad natin na nasa gobyerno na siyang nagbibigay programa at serbisyo para sa pagtiyak ng tamang nutrisyon sa sektor. Maging ang mga nasa nong-government organizations o probadong sector ay may malaking kontribusyon rin sa pagsiguro na akma ang kanilang naibibigay na tulong sa sector ng kabataan,” ani ni Labordo.
Naging positibo rin ang naidulot ng nasabing forum dahil aktibong nakilahok sa kampanya ang iba't-ibang sektor.
Nagpahayag din sila ng kanilang suporta sa pagpapatupad ng mga polisiya o ordinansa na may kinalaman sa pagtiyak na maibibigay ang tamang nutrisyon sa mga bata, lalo na sa panahong may emergency o disaster.
"Bilang isang ina, mahalaga na malaman kung papaano masigurong malusog ang aking anak, and through this orientation ng NNC, marami akong natutunan lalo na kung gaano kahalaga ang pagpapasuso sa baby dahil nagbibigay pala ito ng purong sustansiya sa kanila hanggang sa kanilang paglaki," tugon ni Earlie Jul M. Fajardo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga.
Importante rin ang kampanyang ito para kay April Love Oja, mula sa Father Saturnino Urios University (FSUU) ng Butuan City dahil marami rin siyang kakilala na hindi masyado alam ang magandang naidudulot ng breastfeeding sa kanilang mga anak. "Importante para sa mga magulang na malaman ang importansya ng breastfeeding upang maging healthy o malusog ang kanilang mga anak," banggit niya.
Umaasa naman ang NNC Caraga na mas maging seryoso ang publiko sa pagtulong sa gobyerno na matugunan ang pangangailangan ng mga bata at maiwasan ang malnutrisyon, at magkaroon ng magandang kinabukasan. (JPG/PIA-Caraga)