DSWD, PGAS namahagi ng Livelihood Settlement Grant sa mga FRs
BUTUAN CITY -- Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office Caraga, kasama ang Provincial Local Government of Agusan del Sur (PGAS) at Philippine Army (PA), ang pamamahagi ng Livelihood Settlement Grant (LSG) sa 117 na mga dating rebelde mula sa iba't-ibang munisipyo ng Agusan del Sur kamakailan lang sa Naliyagan Cultural Center, Prosperidad, Agusan del Sur.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng Php20,000 o may kabuuang halaga na P2.34 milyon mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Offcier-in-Charge Assistant Regional Director for Operations Jean Paul Parajes, na nawa'y makatulong ang Livelihood Settlement Grant sa pagbabagong-buhay ng mga dating rebelde at ng kanilang mga pamilya. Hinikayat din niya ang mga benepisyaryo na gamitin ng maayos ang natanggap na tulong pinansyal at palaguin ito.
Bukod kay Parajes, nagbigay rin ng mensahe si Agusan del Sur Governor Santiago Cane, Jr., at pinaalalahanan ang mga benepisyaryo na ang lahat ng bagay nagsisimula sa maliit. Binigyan-diin din niya na huwag sayangin ang oportunidad na ipinagkaloob sa kanila at magsimula sa pagtayo ng maliliit na negosyo. Aniya, lalago rin kalaunan ang munting negosyo na itinayo nga mga dating rebelde at lalaki na rin ang kanilang kita.
Kasabay ng pamamahagi ng Livelihood Settlement Grant, nag-abot din ng dagdag na Php20,000 si Cane para sa general merchandise project ng Kasapa Loreto Farmers Association - isang asosasyon na binubuo ng mga dating rebelde.
Ang pamimigay ng tulong pinansyal ay parte ng implementasyon ng Executive Order 70, series of 2018, isang hakbang ng pamahalaan upang wakasan ang kaguluhan sa bansa at matulungan ang mga dating rebelde at kanilang mga pamilya na maibalik sa normal at tahimik na pamumuhay. (DSWD-Caraga/PIA-Agusan del Sur)