DepEd Butuan City Division, tinututukan ang implementasyon ng mga programa na magpapabuti pa sa reading proficiency level ng mga mag-aaral
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Puspusan ang kampanya ng Department of Education (DepEd) Butuan City Division kasama ang lokal na pamahalaan sa implementasyon ng Brigada Pagbasa at iba pang programa para sa mga mag-aaral.
Layon nitong mapabuti at mapaunlad ang mga mag aaral lalo na kanilang kakayahan sa pagbabasa.
Ayon kay Dr. Marilou Dedumo, Schools Division Superintendent, nasa 30% ng mga estudyante ang nasa “frustration level” o ‘yung mga hindi pa gaano marunong magbasa na kailangan matutukan.
“Dahil dito, nagsagawa tayo ng coordination meeting upang makabuo tayo ng mga stratehiya para matulungan ang ating mga estudyante na mahasa talaga sa pagbabasa at maintindihan nila ang konteksto ng kanilang mga binabasa,” ani ni Dr. Dedumo.
Ang Project SURE (Summer Reading Enhancement) at Project MORE (Mobile Reading Enhancement) ay ilan lamang sa mga inisyatibo ng DepEd Butuan City Division sa pakikipagtulungan ng iba pang sektor para tumaas pa ang performance level sa pagbabasa at abilidad ng mga bata pagdating sa reading comprehension.
Binigyang-diin din ni Dr. Maria Dinah Abalos, Curriculum Implementation Division Chief, ang mahalagang papel ng magulang sa pagtuturo at pagabay sa mga anak, at masubaybayan ang kanilang performance sa eskwelahan.
Nagpasalamat din siya sa mga volunteers na handang magturo sa mga bata upang umunlad pa ang kanilang pagbabasa.
“Ang dami nating mga volunteers na gustong tumulong kasama ang ating mga beginning reading teachers. Katuwang natin sila sa pagsagawa ng Birgada Pagbasa,” sabi ni Abalos.
Samantala, hinikayat naman ni Dr. Ana Lasco, School Governance and Operations Division Chief ang mga stakeholders na sumuporta at lumahok sa kampanyang ito. (JPG/PIA-Caraga)