Tribal Council sa Butuan City, aktibo sa pangangalaga ng kalikasan at nakakikilahok sa tree planting at clean-up drive
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Naging kaugalian na ng mga Indigenous Peoples (IPS) sa iba’t-ibang probinsya ng Caraga region ang gumawa ng inisyatibo upang maprotektahan ang kalikasan na siyang pinagkukunang-yaman.
Datu Malinggat |
Ngayon ay mas nagiging aktibo na rin ang mga IPs sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno maging ng iba pang sektor sa pagsasagawa ng tree planting at clean-up drive.
Isa na rito ang Mayapay Tribal Council ng Sitio Malihao sa Barangay Bonbon sa lungsod ng Butuan, kung saan pinangangasiwaan din nila ang Malihao Tribal Village na isa na rin sa mga tourist sites sa nasabing lungsod.
Sa isinagawang simultaneous tree planting activity, nagpasalamat si Datu Malinggat Aurelio Talibong, Jr., Supreme Tribal Chieftain ng Mayapay Tribal Council sa mga kinauukulang ahensya tulad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at iba pa dahil sa puspusang kampanya nito laban sa illegal logging, at pagpapaigting pa ng National Greening Program (NGP).
Sa 12 planting sites sa buong rehiyon, isa ang Sitio Malihao na napili ng mga ahensya para mapag-taniman ng samu’t-saring seedlings o punla.
“Nagpapasalamat kami sa mga ahensya ng pamahalaan lalo na sa DENR, DILG at iba pa dahil isinama nila itong lugar namin na mapag-taniman ng iba’t-ibang indigenous planting species upang dumami pa ang mga punong-kahoy dito at mapapakinabangan ng mga susunod pang henerasyon,” ani Datu Malinggat.
Hinikayat din si Datu Malinggat ang iba pang tribal community sa rehiyon na patuloy lang ito sa pagbigay suporta sa mga ahensya ng gobyerno at makipagtulungan sa mga isasagawang aktibidad na magdudulot ng kaayusan at kabutihan sa kani-kanilang lugar.
“Nananawagan ako sa aking mga kapwa IPs na tayo po ay maging aktibo sa mga isinasagawang tree planting at clean up drive dahil lahat po tayo ay makikinabang dito, maging ang mga susunod pang mga henerasyon,” banggit pa ni Datu Malinggat.
Samantala, binigyang-diin naman ni Regional Executive Director Nonito Tamayo ng DENR Caraga ang kahalagahan ng pagtatanim ng mga punong kahoy sa komunidad.
“Marami tayong nakukuhang benepisyo mula sa pagtatanim ng mga punong-kahoy lalo na sa ating kalusugan. Nakakatulong din ito na hindi natin gaano nararamdaman ang epekto ng climate change, at marami pang benepisyo na mapapakinabangan din ng mga susunod pang henerasyon kung tayo ay magtutulungan na mapanatiling malinis at mayaman ang ating kalikasan sa natural resources,” pahayag ni Tamayo. (JPG/PIA-Caraga)