R.A.C.E Campaign ng SSS, ikinasa sa San Francisco, Agusan del Sur
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Ikinasa ng Social Security System (SSS) ang Run After Contributions Evaders (RACE) Campaign sa San Francisco, Agusan del Sur.
Alinsunod ito sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 kung saan ang mga Negosyo ng mga Employers ay dapat naka-rehistro sa SSS, at ma-ireport sa kanilang tanggapan ang listahan ng mga employees o empleyado sa loob ng tatlumpung (30) araw mula sa unang araw ng pagpasok sa trabaho ng mga empleyado.
Nakasaad din dito na kailangang tama ang nakalagay na regular SSS contribution ng mga empleyado sa payroll.
Ayon kay Exequiel Amplayo, acting branch head ng SSS-San Francisco, Agusan del Sur, layon ng RACE Campaign na mas mapalawak pa ang kaalaman ng mga employers sa kahalagahan ng SSS, lalo na sa mga delinquent o ‘yung mga hindi nakakapag-remit ng monthly contribution ng kanilang mga empleyado.
“Nais lamang ng SSS na mapaalalahanan ang mga employers na magbayad nang tama sa SSS contribution ng kanilang mga empleyado. Kasama ang Legal Department ng SSS, pinupuntahan natin ang mga delinquent employers para bigyan sila ng pagkakataong mabayaran ang kanilang delinquencies,” ani Amplayo.
Hinikayat din ni Atty. Kathlene Gonzales-Japuz sa Legal Department ng SSS Northern Mindanao Division, ang mga delinquent employers na maaari nilang i-avail ang Pandemic Relief Restructuring Program (PRRP3). Ito ay Enhanced Installment Payment Program para sa mga registered business and household employers na nahihirapang magbayad ng kabuuang halaga ng kanilang delinquencies.
“Sa ilalim ng PRRP3, ang mga employers ay bibigyan ng pagkakataong ma-settle ang kanilang delinquencies sa loob ng siyam hanggang animnapung buwan depende sa kabuuang halaga na kailangan nilang mabayaran. Ang programang ito ay bukas sa mga aplikante hanggang sa Nobyembre 22, 2022 lamang,” banggit ni Japuz.
Binigyang-diin din ni Atty. Japuz na layon lamang ng SSS na masiguro ang kapakanan ng mga empleyado at matiyak na may makukuha silang benepisyo sa SSS mula sa kanilang regular contributions.
Samantala, binisita rin ng mga opisyal ng SSS kasama ang Philippine Information Agency (PIA) Caraga at media ang mga natukoy na siyam na employers sa munisipyo ng San Francisco at binigyan ng notice bilang paalala sa kanilang legal obligation na bayaran na ang kanilang delinquencies sa SSS contributions para sa kanilang mga empleyado. (JPG/PIA-Agusan del Sur)