Mga sundalong nakatalaga sa Surigao Norte asintado laban sa terorismo
GIGAQUIT, Surigao del Norte -- Nagsagawa ng iba’t-ibang pagsasanay ang himpilan ng 30th Infantry Battalion (30IB) para sa mga kasundaluhan nito upang palakasin at patuloy na mapabuti ang mga kapabilidad ng mga tropa. Kung kaya nitong ika-31 ng Agosto 2022, sinimulan ang Annual Marksmanship Training na ginanap sa himpilan ng 30IB.
Pinangunahan ni Lieutenant Colonel (Lt. Col.) Jerold H. Jale, pinuno ng 30IB, ang pagbubukas at pagsisimula ng pagsasanay para sa pagpapalawig ng kapabilidad sa pagpapaputok ng mga armas lalo na sa matataas na kalibre ng baril. Layunin din ng pagsasanay na ito na mas mapahusay pa ang bawat kasundaluhan ng 30IB sa paghawak ng mga baril lalo na sa mga operasyon na ginagawa ng himpilan kaya naman ang mga tropa ng 30IB ay mas pinahusay sa pagpapaputok ng R4 Rifle, M14 Rifle, T4 Rifle, K3 Squad Automatic Weapon (SAW) at Pistol.
Bukod sa pagpapaputok ng iba’t-ibang
klase ng armas ay pinahusay din ang mga kasundaluhan sa pagpapaputok ng Mortar
Gunnery. Tinuruan din sila sa kung paano at ano ang gagawin nila kung may
makita silang mga ilegal na pampasabog sa bundok sa pamamagitan ng Explosive
Ordnance Reconnaissance Agent Training.
Sa pahayag ni Lt. Col. Jale, pinaalam
nito ang mga ginagawang patuloy na pag-eensayo ng mga kasundaluhan sa kanilang
kapabilidad ay napakahalaga at malaking tulong lalo na sa ginagawang mga
operasyon ng 30IB. Ang patuloy na pagpapalawig ng kaalaman ay sinasagawa upang
mas maging epektibo sila lalo na sa laban sa terorismo at mabigyan ng seguridad
ang mga mamamayan ng lalawigan ng Surigao del Norte.
Nanawagan din ang opisyal sa mga natitirang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Surigao del Norte na ang 30IB ay bukas ang loob na tatanggapin ang armadong nagnanais na babalik na sa piling ng kanilang pamilya at magbalik-loob sa pamahalaan. (30th Infantry Battalion/PIA-Surigao del Norte)