Natatanging pamilyang Pilipino regional awardee kinilala at tumanggap ng patimpalak mula sa RIAC-FF Caraga
Ni Jennifer P. Gaitano
LUNGSOD NG BUTUAN -- Sa kabila ng coronavirus disease-2019 (COVID-19) pandemic at iba pang hamon sa bawat pilipino, makikita pa rin ang pagkakaisa, pagtutulungan, at pagsisikap ng bawat pamilya na malampasan ang mga pagsubok sa buhay.
Sa layong maipakita rin ang kahalagahan at katatagan ng bawat pamilya, nagsagawa ng iba’t-ibang aktibidad ang mga ahensiya ng gobyerno at isa na rito ang “Search for the Natatanging Pamilyang Pilipino”. Nataon din ito sa selebrasyon ng National Filipino Family Week (NFFW) ngayong taon.
Ang pamilyang Debajo mula sa bayan ng Jabonga, Agusan del Norte ay kinilala at ginawaran bilang Regional Awardee sa “Search for the Natatanging Pamilyang Pilipino” dahil sa pagiging inspirasyon nila sa iba pang pamilya at sa kanilang barangay.
Tumanggap ang mag-asawang sina Miguel at Fely Debajo kasama ang kanilang mga anak ng PhP10,000, grocery pack, at plaque at certificate of recognition mula sa Regional Inter-Agency Committee for Filipino Family (RIAC-FF) sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Caraga.
Lubos ang pasalamat ng pamilyang Debajo dahil sa lahat ng mga lumahok, sila ang napili bilang natatanging pamilya regional awardee. Ibinahagi din ng mag-asawa ang kahalagahan ng bawat miyembro ng pamilya at pagtutulungan nila lalo na sa pagbigay-suporta at pangangailangan ng pamilya, at sa pagiging aktibo sa community activities.
“Challenge talaga namin is sa financial. Pero napatunayan namin na hindi talaga rason ang pagiging mahirap para makapagtapos ang ating mga anak,” ani Miguel.
Tumanggap din ng certificate of appreciation ang iba pang pamilyang lumahok sa nasabing search mula sa iba’t-ibang probinsya ng rehiyon.
Tumanggap naman ng award ang mga nanalo sa “Talentadong Pamilyang Pilipino” at “Modelong Pamilya” ng Caraga.
Pinasalamatan din ng DSWD ang mga pamilyang lumahok sa naturang search at hinikayat ang iba na patuloy na maging inspirasyon.
“Umaasa ako na hindi dito magtatapos ang ating pagiging modelong pamilya at sana ay marami pa tayong ma-inspire na mga kapit-bahay at mga kakilala, at maging mabuting ehemplo lalo na sa ating mga kabataan,” pahayag ni Elsa Jamora, sectoral unit head ng DSWD Caraga. (JPG/PIA-Caraga)