''MIndanaONE'' inilunsad ng PIA
LUNGSOD NG BUTUAN -- Inilunsad ng Philippine Information Agency (PIA) kamakailan lamang ang pinakabago nitong electronic publication na pinangalanang ''MindanaONE'' sa ilalim ng programang Unified Messaging in Mindanao.
Abot-kamay na ang mga balita sa Mindanao na hatid ng MindanaONE na naglalaman ng mga pinakamabigat at pinakamatunog na balita mula sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga Region.
Sa utos ni PIA Director-General Ramon Lee Cualoping III at sa pangunguna ni Deputy Director-General Abner M. Caga, binuo ang Unified Messaging in Mindanao bilang priority thrust na magiging daluyan ng "#ExplainExplainExplain" banner program ng ahensya at maiparating sa grassroots ang mga magagandang balita tungkol sa mga serbisyo ng pamahalaan at sa mga komunidad na naaabot nito.
Ayon kay DDG Caga, “Layunin ng Unified Messaging in Mindanao na ipaabot ang mensahe ng pagkakaisa sa makabago at sulit na pamamaraan na hangad ng kasalukuyang administrasyon at mga balita tungkol sa mga serbisyo ng gobyerno sa isla ng Mindanao na siyang tahanan ng ibat’-ibang katutubo at moro."
Ang mga balita sa napakalawak na Mindanao ay na-aaccess anumang oras sa kahit saang lokasyon sa pamamagitan ng MindanaONE gamit lamang ang cellphone. Ipapalabas ang mga isyu ng naturang magazine dalawang beses sa isang buwan.
Sa unang edition ng MindanaONE, ang tampok na balita ay pinamamagatang, “We go Devcom, says PIA chief", kung saan isinusulong muli ni DG Cualoping ang development communication (DevCom) sa PIA sa tulong ng mga regional directors sa Mindanao Cluster ng ahensya.
Para sa pinakabagong isyu ng MindanaONE,
bisitahin lamang ang opisyal na Facebook page ng PIA Caraga sa https://www.facebook.com/